Calamba City - Deklarado nang isang protected area ang Bundok Banahaw at San Cristobal sa Lalawigan ng Quezon at Laguna sa pagkakalagda ng Pangulong Gloria Macapagal –Arroyo sa RA 9847 dito kamakailan.
Ang RA 9847 ay nagtataglay ng mga probisyon buhat sa HB 4299 ng Mababang Kapulungan at SB 2392 ng Senado.
Ang nasabing HB 4299 ay inakda ni Quezon 2nd District Congressman Proceso Alcala at isinulong nina Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago, 4th District Cong. Edgar San Luis at Quezon 1st District Cong. Mark Enverga bilang mga co-authors.
Sina senadora Jamby Madrigal at Pia Cayetano ang nagtaguyod ng SB 2392 na kinatigan naman ng buong Senado.
Layunin ng RA 9847 na higit na mapangalagaan ang mga nasabing kabundukan para sa kapakanan ng mga residente ng dalawang lalawigan, huwag itong mapinsala ng kaunlaran at mabigyan ng angkop na proteksyon laban sa mga mapagsamantala sa ating kalikasan.
Nakasaad din sa batas ang pagtatayo ng isang tanggapang magpapatupad ng bawat probisyon at mga alituntuning ipasusunod sang-ayon sa ipalalabas na Implementing Rules and Regulations kaugnay nito.
Magugunitang una nang tinutulan ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna at Gob. Teresita Lazaro ang panukalang batas sanhi ng malisyosong interpretasyon ng isang bokal ukol dito na humantong pa sa pagpapasa ng resolusyon sa Tanggapan ng Pangulo upang huwag itong pagtibayin.
Subalit sa talumpati ng pangulo ay nanindigan siyang ang lehislasyong katulad ng RA 9847 ay kailangan ng bansa upang mapaglabanan ang lumalalang suliranin sa climate change kung saan ay nagdudulot ng ibayong kalamidad tulad ng pagbagyo, pagbaha at mga landslide.
Samantala ay labis na ikinatuwa ni Cong. Alcala ang pagkakasabatas ng RA 9847 sapagkat aniya’y ito ang isa sa mga maihahabilin niyang legasiya matapos magpasyang iwan pansamantala ang posisyon bilang kinatawan at ipaubaya sa anak na si Irvin ang paghingi ng mandato sa mga taga ikalawang purok ng Quezon bilang congressman sa May 2010 election.
Bukod sa mga nag-akda ng RA 9847 ay dumalo rin sa seremonya sina DENR Sec. Lito Atienza, Gob. Teresita Lazaro, Mayor Joaquin Chipeco Jr., Cong. Girlie Villaroza, Cong. Timmy Chipeco, Cong. Dan Fernandez at mga Board Member na sina BM Rey Paras, BM Bong Palacol, BM Juan Unico at BM Niel Nocon. (sandy belarmino)
Sunday, December 20, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment