Wednesday, November 18, 2009

MOBILE LIBRARY PROGRAM, NAILUNSAD NA

Umaani na ng papuri mula sa mga guro at magulang ng mga mag-aaral sa elementarya partikular ang mga nasa malalayong lugar ng ikatlong distrito ng Laguna ang Mobile Library Program na inilunsad ni Congresswoman Maria Evita “Ivy” Arago nang nakaraang buwan ng Oktubre.

Layunin ng nasabing programa ng kongresista na makapag-ambag sa ikatataas ng kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan na salat sa mga makabagong teknolohiya upang makaangkop sa modernong panahon, gamit ang isang bus na sadyang idinisenyo upang maglaman ng mga pangangailagan ng isang aklatan.

Sapul nang malunsad ilang linggo lang ang nakaraan ay nakapagdulot na ang programa ng kislap sa mga mata at ngiti sa mga labi sa maraming mag-aaral na ang ilan ay ngayon pa lang nakahawak at nakasaksi sa kamanghaan ng laptop computer.

Bukod sa basic computer learning ay nagkakaloob din ito ng TV Eskwela gamit ang mga subok na at pinagtibay na educational films ng DepEd, at personal na story telling na ginagampanan ni Congw. Ivy kapag may session break sa kongreso.

Sa ngayon ay nakapaglibot na ito sa mga paaralang elementarya ng Atisan, San Marcos, San Mateo, De Mesa, San Miguel at Bagong Bayan sa Lunsod ng San Pablo, San Juan, San Gregorio at San Ildefonso sa Alaminos, Paliparan at Perez sa Calauan.

Ito ay sa pamamahala ni Bennette Brion, sa tulong nina Toni Evangelista, Edwin Pantas, Wana Flores, Mark John Valdez, Victor at Carlo. (Tribune Post)

No comments: