SAN PABLO CITY – Sa consultation meeting na ipinag-anyaya ni Congresswoman Ma. Evita “Ivy” R. Arago sa Villa Evanzueda sa Sityo Baloc noong Linggo ng umaga, Hunyo 7, upang arukin kung ano ang paninindigan ng mga pinunong nayon sa isyu ng Charter Change, halos ang lahat ay nagkakaisang ang kongresista ay dapat na pahinuhod sa kahilingang siya ay pumabor sa pagsasagawa ng Constituent Assembly (ConAss) upang huwag maputol ang tulong sa distrito mula sa pamahalaang nasyonal.
Sa panibukas na pahayag ni Congresswoman Ivy Arago, kanyang binanggit na hindi siya nakadalo sa sesyon noong Martes nang pagtibayin ang House Resolution No. 1109 na nagtatakda ng pagkakaroon ng Constitutent Assembly, sa dahilang siya ay nasa opisyal na paglalakbay sa Visayas bilang vice chairman ng Committee on Ecology, na kasama ng dalawa pang miyembro ay nagsagawa ng mga public hearing sa Lalawigan ng Aklan
Ipinagpauna ng mambabatas na sa mga talakayang kanyang nilahukan sa Kongreso na may kaugnayan sa Charter Change, ay matatag ang kanyang paninindigan na hindi dapat susugan ang 1987 Constitution hanggang hindi natatapos o naisasagawa ang 2010 National and Local Elections, subali’t kanyang nadarama na ang mga kinatawang hindi pumapabor sa Charter Change sa pamamagitan ng Constituent Assembly ay walang tinatanggap na makabuluhang releases mula sa pamahalaang pambansa, kaya dito sa Ika-3 Distrito ay apektado ang paghahatid ng mga paglilingkod na panglipunan at pangkalusugan na dati-rati ay tinutustusan ng kanyang tanggapan. Maging ang 488 estudyante na dapat ay tumanggap ng financial assistance sa kanilang pag-aaral ay hindi pa nababayaran ang para na nakaraang school year.
Isang punong barangay, na dating kagawad ng sangguniang bayan, na masasabing kapanalig ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang nagsabing ng pagtibayin ang House Resolution No. 1109, ang layunin nito ay susugan ang Economic Provisions ng Saligangbatas, subali’t nakapagtataka di-umano na iginigiit ng mga kritiko na ang layunin ay palawigin ang pananatili ni Arroyo sa kapangyarihan.
Sa panig ni Punong Barangay Arnel C. Ticzon ng Barangay III-D ng lunsod na ito,na isang college professor na nagtuturo ng mga political science subjects, kanyang binanggit na dapat tanggapin ang realidad, na ang prinsipyo ano mang paliwanag ay hindi mauunawaan ng mga karaniwang mamamayan, sa kanila, ang higit na mahalaga ay ang serbisyo o ang madama ang mga paglilingkod na panglipunan at pangkalusugan ng mga taga-barangay, at ang sila ay napatatayuan ng mga gusaling pampaaralan at iba pang impraistrakturang pampubliko. Kaya tulad ng ipinadadama ng mga pinunong nayon mula sa Victoria, Calauan, Nagcarlan at Liliw, kanyang hinihiling kay Congresswoman Ivy Arago na makiisa sa paninindigan ng nakararami sa mga kagawad ng Kongreso na nagsusulong ng pagbabago sa Saligangbatas sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ayon pa kay Chairman Ticzon, sa ilalim ng demokratikong uri ng pamahalaan, ang kapasiyahan ng nakararami sa kapulungan ay kapasiyahan ng lahat, kaya hindi masasabing iniwan niya ang kanyang prinsipyo para lamang matamo ang kinakailangang serbisyo para sa kanyang distrito.
Nabanggit din ni Ticzon na dapat alalahaning ano man ang pagbabagong babalangkasin ng ConAss ay ang mamamayan din ang magpapasiya sa pamamagitan ng plebesito, kaya ang mga hindi pumapabor sa pagbabago ay may pagkakataon sa panahon ng campaign period na ipahayag ang kanilang pagtutol at hikayatin ang lahat na bomoto ng laban sa pagpapatibay dito.
Maging sina Mayor Cesar C. Sulibit ng Liliw, at Vice Mayor Brigido P. Araneta ng Nagcarlan, na sinamahan ang kanilang mga pinunong barangay sa pagdalo sa consultation meeting, na magtiwala sa panananto ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na matutuloy ang 2010 National and Local Elections, sapagka’t ang hindi pagkatuloy nito ang siya lamang namang pinangangambahan ng mga mamamayan na mangyayari kung magaganap ang ConAss, kaya walang masama na si Congresswoman Ivy Arago ay magpahayag ng pagpabor sa Charter Change, upang bilang kinatawan ng Ika-3 Distrito ay makahiling ng tulong sa Pangasiwaang Pambansa. (Ruben E. Taningco)
Wednesday, June 24, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment