Saturday, June 27, 2009

LONG TERM PROJECT NI CONG. SAN LUIS, SINIMULAN NA

Sta. Cruz, Laguna- Sinimulan na ang konstruksyon ng Santisima-Sto. Angel Bridge sa bayang ito na bahagi ng P200-milyong long term project ni 4th District Cong. Edgar San Luis na mag-uugnay sa mga coastal barangay ng nasabing distrito.

Ang tulay ay may habang 75 metro at lapad na limang metro ay magdurugtong sa katatapos lamang na overflow bridge ng Brgy. Callos at Sto. Angel Sur ay maglalagos sa mga road networks ng mga naturang barangay bilang short term o pang-agarang pakinabangan na proyekto.

Sa long term na bahagi naman ng proyekto ay ang konstruksyon ng elevated roads patungo sa bayan ng Lumban at iba pang munisipalidad ng distrito, na magsisilbing alternatibong ruta lalo na sa panahon ng tag-ulan sapagkat may kakayanan itong magamit ng motorista kahit may baha.

May probisyon rin ang proyekto para sa isang mini-pier na silbing pantalan ng mga mangingisda sa Laguna de Bay at maging sa mga passenger boat patungo sa bayan-bayan ng Laguna at Rizal o Metro Manila sa hinaharap na panahon.

Ayon kay Cong. San Luis ay ang rehiyunal na tanggapan ng DPWH 4-A sa ilalim ni Director Bonifacio Saguit ang mangangasiwa sa implementasyon ng konstruksyon, samantalang ang monitoring ay sa Laguna 4th Engineering District sa ilalim ni DE Manuel Y. Alejo, Jr. at ADE Theodoro L. Cantos.

Pinamamahalaan ni DPWH Region 4A Resident Engr. Vic Segudo ang konstruksyon ng itinatayong tulay na kasalukuyang ginagawa ng Christian Ian Construction Corporation. (NANI CORTEZ)

No comments: