Sunday, October 5, 2008

SPCSHS NUMBER ONE

Nabubuo na ang larawan sa unti-unting paglitaw ng imahe na kaylan lang ay isang pananaw upang malikha’t matatag ang San Pablo City Science High School (SPCSHS).

Masasabing bata pa sa kanyang ika-4 na taong pagkakatatag nang makalipas na buwan ay naipamalas na ng SPCSHS ang dapat patunayan. Nagbunga na ang pagsisikap ng mga guro at tagapangasiwa ng paaralang ito, ganoon din ng mga mag-aaral sapagkat sa kabila ng murang gulang ay nalampasan nila ang lahat ng higit sa inaasahan.

Bilang pandayan ng mataas na kaisipan ay naiagapay ng SPCSHS na maihanay ang kanyang pangalan hindi lamang dito sa San Pablo manapa’y sa kabuuan ng Timog Katagalugan at maging sa buong bansa. Nagkaroon ito ng sariling puwang sa kalipunan ng mga institusyong pangkarunungan.

Hindi pa man umaabot sa kalaghatian ng school year ay sari-sari ng karangalan ang nakamit ng SPCSHS. Kinilala ang paaralang ito bilang isa sa mga nangunguna sa larangan ng aptitude test sa buong Calabarzon, na nangangahulugan lamang na naaayon sa wastong tadhanain ang pamamaraan ng kanyang pagpapalaganap ng karunungan.

Ang pangyayaring ito ay isang malaking hamon sa lahat, mula sa kanyang mga faculty, sa mga mag-aaral lalo’t higit ay sa kanilang mga magulang, sapagkat mas higit na madali ang pagtahak ng landas ng pagka-dakila ayon sa kasabihan. Ang mahirap ay ang pagpapanatili sa pagiging dakila ayon pa rin sa naturang kasabihan.

Ano pa’t kung may hamon, asahan nating kasunod nito’y ang mga pananagutan. Ito ang dapat banghayin. Sa tagapangasiwa at mga guro ng SPCSHS ay wala tayong mahihiling pa sapagka’t saksi tayo sa kanilang walang hangganang pagsisikap upang matanghal ang naturang paaralan sa hanay ng mga kinikilala at iginagalang.

Sa mga mag-aaral, ang hamon ay payak lang – ang tugunin ang pagsisikap ng kanilang paaralan, at sa mga magulang ay ibayo pang pang-unawa. Tandaan sana ng lahat na sa pagpapakasakit lang matutunton ang tunay na landasin tungo sa adhikaing maging Number One ang SPCSHS. (sandy belarmino)

No comments: