Saturday, October 11, 2008

KASIGLAHAN TODO BIGAY YR. 4, AARANKADA NA


San Pablo City - Aarangkada na ang ika-4 na Kasiglahan Todo Bigay ng Liga ng mga Barangay mula bukas sa pamamagitan ng isasagawang pag-a-audition ng mga nais lumahok sa paligsahan ng pag-awit sa lunsod na ito.

Bukas sa lahat ng taal na residente ng bawat barangay ng lunsod, ang pagtuklas sa natatagong talino sa larangan ng pag-awit ay nahahati sa dalawang kategorya batay sa edad ng kalahok, ang under 15 years old at over 16 years old.

Araw-araw ang gagawing audition sa tanggapan ni ABC President Gener B. Amante, 5th Floor ng New City Hall Building tuwing ala-una hanggang ala-singko ng hapon (hanapin lang sina Ms. Helen Sandoval o dili kaya’y si G. Sandy Belarmino). Ang audition ay hanggang Oktubre 21 lamang, at sisimulan ang eliminasyon sa aktwal na paligsahan sa Oktubre 24-25, samantalang ang finals ay sa Oktubre 26.

Ayon kay Fiscal Florante “Ante” Gonzales, over-all coordinator ng Kasiglahan Todo Bigay ay may malaking gantimpalang naghihintay sa mga magwawagi, P10,000 sa first prize samantalang P5,000, P3,000, P2,000 at P1,000 sa second, third, fourth at fifth prizes sang-ayon sa pagkakasunod-sunod.

Ang kasayahang ito ay itinataguyod ng Liga ng mga Barangay sa pakikipag-tulungan ng Seven Lakes Press Corps bilang pakikiisa at handog sa mga programa at proyekto ni Mayor Vicente B. Amante at sa kanyang nalalapit na kaarawan sa Oktubre 27.

Pinaaalalahanan ang mga nais lumahok na magdala ng kanilang sariling tagalog CD sa panahon ng audition.(RAMIL BUISER)

No comments: