Nakapagsanay na ng humigit kumulang na 500 kabataan buhat sa elementarya at mataas na paaralan ang AMBEN S. AMANTE CAMPUS JOURNALISM LECTURE SERIES sa humigit kumulang na dalawang buwan nitong pag-ikot sa mga eskwelahan ng Lunsod ng San Pablo.
Sa tulong ni City Administrator Loreto “Amben” Amante ay nagabayan ang mga kabataang ito sa wastong pakikipagtalastasan partikular sa praktikal na pagsulat ng mga lathalain na kakailanganin ng mga mag-aaral habang sumusuong sa papataas na lebel ng kanilang pagtuklas ng karunungan.
Naniniwala ang pitak na ito na ang kaalamang natamo ng mga kabataang ito ay magiging kapaki-pakinabang hanggang sila ay maging mga propesyunal sapagka anuman ang kanilang kaharaping larangan ay palaging kaakibat ang aspeto ng komunikasyon.
Ang lecture series ay tumatalakay ng mga kaparaanan sa wastong pagsulat ng mga artikulong komposisyon na karaniwan nating nababasa sa mga pahayagan, na talagang dinisenyo upang mas madaling maunawaan at matutunan.
Sinasaklaw nito ang kabiguan ng maraming aklat na pahaphaw lamang na tumatalakay sa pag-akda ng isang komposisyon na madalas kaysa hindi ay naglalaman lang ng kung ano ang dipinisyon ng isang panulat. Wika nga’y the AMBEN’S AMANTE LECTURE SERIES not only tells you what and why but it also shows you how to write any form of composition.
Ito ang unang pagtataguyod ni City admin at sa mga susunod pang mga panahon ay umaasa tayo na higit pa itong lalawak upang mas marami pang kabataan ang matutulungan.
Ang proyektong ito ay naisakatuparan ng Heral Group of Publications at Seven Lakes Press Corps at ilang kaibigang naniniwala sa isinusulong ng pitak na ito.
Ngayon pa lang ay marami na tayong nakikitang mga positibong resulta na dala ng munting kursong ito. Ang mga bagay na ito ay nakapagbibigay inspirasyon sa atin upang patuloy na magsaliksik nang sa ganoon ay higit itong mapagbuti, sa kapakinabangan nng ating mga kabataan.(NANI CORTEZ)
Tuesday, October 7, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment