Saturday, April 26, 2008

EDUKASYON, MAHALAGA SA MGA BILANGGO



Nasa larawan si Maj. Wilmor T. Plopinio City Jail Warden at ang kanyang mga tauhan ng dumalo ang mga ito sa lingguhan flag raising ceremony ng Lunsod ng San Pablo.

San Pablo City – Ang dormitoryo ng BJMP District Jail sa lunsod na ito ay disenyo para lamang sa 150 detainees subalit sa kasalukuyan ay 301 napipiit kung saan ang 29 ay kababaihan na pawa namang mayroon ng sapat na gulang.

Ito ang ipinahayag ni Chief Inspector Wilmor T. Plopinio, City Jail Warden nang siya ay mag-ulat sa flag raising ceremony noong lunes ng umaga sa City Hall.

Pinahahalagahan ni Plopinio ang ginagawang pakikipag-tulungan ng pangasiwaang lunsod para maging maayos ang kanilang isinasagawang pagkukupkop sa mga napipiit o pinipigil doon na may mga usaping dinidinig sa mga hukuman sa lunsod na ito, tulad ng pagsagot sa buwanang bayarin sa kuryente at tubig, gayon din ng pagkakaloob ng office supplies, sa dahilang wala ito sa budget ng Bureau of Jail Management and Penology.

Maging ang Department of Education ay nakikipagtulungan upang ang mga interesadong detainees ay maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa ilalim ng Basic Alternative Learning Program, kung saan 54 ang ipinagpapatuloy ang kanilang pag-aaral sa lebel ng elementarya upang sa kanilang paglaya ay maging handa sa pagtataguyod ng mga malinis na hanapbuhay, tulad ng pagninegosyo at iba pang kinikilalang gawain na nabibilang sa informal sector ng paggawa.

Maging ang iba’t-ibang sector ng lipunang ay may patuluyang palatuntunan upang sa araw-araw ay magkaroon ng mga religious services dito na malaking tulong upang ang mga napipiit ay magabayang dumaan sa matuwid na pamumuhay sa sandaling sila ay lumaya na, pag-uulat pa ni Major Plopinio.

Sa pakikipagtulungan ng City Health Office, nabatid na ang kalusugan ng mga napipiit sa District Jail ay maayos na napapangalagaan, at may mga non-governmental organization na naghahandog ng mga kinakailangan nilang gamot, kaya ang lahat ng karapatang pang-tao ng mga detainees ay napapangalagaan, at ito ay mapatutunayan ng mga namumuno sa City Parole and Probation Office na regular na dumdalaw sa kanilang mga karsel. (Southern Tagalog Herald/7LPC)


No comments: