Nasa larawan ang buong pamunuan ng Barangay San Cristobal na pinamumunuan ni Brgy. Chairman Benjamin M. Felismino na nasa kanyang unang termino. Nasa larawan din ang 2-storey Barangay Hall ng San Cristobal kung saan ay dalawang beses kada buwan ay regular na nagpupulong ang Sangguniang Barangay para sa kapakinabangan ng kalakhang San Cristobal. (Sandy Belarmino/7LPC)
San Pablo City - Suportado ng Sangguniang Council at ni Brgy. Chairman Benjamin M. Felismino II ng Brgy. San Cristobal ang matagumpay na pagtatapos ng 8th M2K Ecological Youth Camp na isinagawa noong Abril 28 hanggang Abril 30 taong kasalukuyan.
Pinatunayan ng pamunuan ng Brgy. San Cristobal na ang ganitong adhikain, maliit man o malaki, ay mahalagang suportahan ng lokal na yunit ng barangay lalut higit ang isinagawang eco-youth camp ng M2K Mountaineering and Outdoor Club na sa nakalipas na walong taon ay walang humpay na isinasakatuparan.
Sa nasabing okasyon ay nagbahagi ng kanilang kasanayan ang Protected Areas and Wildlife Bureau ng DENR sa pangunguna ni Bb. Angelita P. Meniado, Chief, Wildlife Management Section hinggil sa importansya ng mga ibong mandaragit (raptors) at iba pang mga kauri nito para sa kapakinabangan ng ating kagubatan at kalikasan.
Ang kahalagahan ng tubig, pinagmumulaan at pangangalaga nito ang tinalakay naman nina G. Al Genove ng San Pablo City Water District at Dr. Dalisay Fernandez ng Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCAMRD). Nagbahagi rin si 1Lt. Lyndon Del Rosario (PAF), 202nd Infantry (Unifier) Brigade ng pagtalakay sa kahalagahan ng liderato o kasanayan sa pamumuno ng isang kabataan.
Lumahok sa nasabing youth camp ang mga kabataang nagmula mismo sa Brgy. San Cristobal; Kabalikatan Inc. (San Pablo Federation); MSC Computer School; mga leader kabataan ng Brgy. Lawagin, Nagcarlan, Laguna at mga kabataang kaanib ng M2K.
“Tamang kaalaman sa kasalukuyang nangyayari sa kapaligiran at mga alternatibong gawain ang isang mabisang paraan ng pagtuturo sa mga kabataan, kung kaya’t sa personal na kapasidad bilang punong barangay ay patuloy kaming sumusuporta sa ganitong mga gawain” ang naging pahayag ni Chairman Felismino sa mga nagsipagtapos na kabataan. (APC/SAB-7LPC)
No comments:
Post a Comment