Very romantic ang setting ng gagawing susunod na proyekto ni Cong. Ivy Arago para sa mga kadistrito sa Ikatlong Purok ng Laguna na Valentine Wedding 2011 sa araw ng mga puso sa Pebrero 2011.
Handog ito ni Cong. Ivy sa mga maralitang nais magpakasal na kaya hindi maisakatuparan ay dahil sa kahirapan. Ngayon pa lang ay pinapayuhan ang lahat ng mga gustong mag-avail ng libreng church wedding (at libreng sama-samang wedding reception sa Villa Evanzueda, Brgy. Baloc, San Ignacio, San Pablo City) na magtungo sa tanggapan ng mambabatas sa Siesta Residencia de Arago para sa kaukulang pag-aasikaso ng mga dokumentong maaaring kailanganin.
0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0
May 585 nagdadalangtao ang dumalo sa Buntis Congress na ginanap sa Hizon Hall ng Siesta Residencia de Arago nang nakalipas na Linggo kung saan natutunan nila sa mga dalubhasa ang wastong pangangalaga sa kalusugan tulad ng mga dapat at hindi dapat gawin habang nagbubuntis alang-alang na rin sa sanggol na dinadala nila sa sinapupunan.
Ipinaalam din sa kanila ang tamang pag-aalaga sa mga bagong silang na sanggol at ang importansya ng breast feeding upang higit na maging malusog ang sanggol at maging ligtas sa karamdaman.
Sa ginanap na kongreso ay nagkaroon ng raffle para sa 200 libreng ultrasound, at pamamahagi ng libreng damit at lotion na pangbata at vitamins para sa mga dumalong buntis. Ang tagumpay nito ay dahil sa sipag nina Bb. Lorie Garcia at mga staff ni Cong. Ivy sa pag-aanyaya sa mga buntis sa 217 barangay ng distrito, sanhi upang kahit umuulan ay 585 ang dumalo.
0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0
Walang itulak kabigin sa kisig at ganda ng mga kalahok sa isasagawang timpalak kagandahang Lakan at Mutya ng San Pablo 2011 na gaganapin sa pagdaraos ng Coconut Festival 2011 kaugnay sa kapistahan ng Lunsod ng San Pablo sa Enero 15, 2011.
Ito ang ika-16 taong pagdaraos ng pestibal na ang layunin ay buhayin at pasiglahin ang industriya ng niyog sa siyudad. Bukod sa lakan at mutya ay tampok din dito ang gabi-gabing pagtatanghal sa liwasan ng lunsod, kasabay ng beer plaza at street dancing, float parade at marami pang dinarayo ng mga lokal at banyagang turista.
Friday, December 3, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment