Friday, December 3, 2010

BUDGET CUT

Sa kabila ng mga pahayag ng DBM (Department of Budget and Management) na hindi nagkaroon ng pagtatapyas sa taunang gugulin ng mga state universities and colleges ay naghuhumiyaw naman ang katotohanang kabaligtaran ito sa nararamdaman ng mga iskolar ng bayan.

Mismong mga pinuno na ng mga paaralang ito ang nagpapatunay na nagkaroon nga ng budget cut at ito’y nagpasiklab sa damdamin ng mga mag-aaral, guro at magulang upang magsagawa ng serye ng mga protesta sa mga pangunahing lansangan ng kalunsuran.

Ang DBM sa isa ng banda ay walang sapat na paliwanag ukol dito maliban sa pagpanig sa mga state university na lumikha ng income generating activity gamit ang lupain ng unibersidad katulad ng ginagawa ng UP Diliman na pinauupahan ang ilang bahagi ng campus.

Nalimutan ng DBM na halos nag-iisa ang UP sa antas ng mayroon ganoong katangian na matatawag na exceptional, dahil nasa sentro ng pamayanan ang kinatatayuan at bawat bahagi ng lupain ay angkop sa kalagayang upang mapagkakitaan.

Tila nalimutan rin ng DBM na edukasyon ang pinakamatibay na legasiya na maaaring ihandog ng istado sa kanyang mga mamamayan at ang pagbabawas ng budget sa mga state colleges and universities ay makakapagparupok sa adhikaing ito.

Unawa natin ang kasalatan ng ating pamahalaan sa panahong ito kaya naman hindi natin hihilinging dagdagan pa ang gugulin ng mga pang-istadong paaralan bilang pakikiisa sa pagtitipid. Subalit nananawagan kami sa DBM for their patriotic duty and conscience na ibalik sa mga paaralang ito ang salaping laan at nararapat sa kanila.(TRIBUNE POST)

No comments: