Thursday, December 23, 2010

PAG-IBIG

Talagang iisa ang himig ng Pasko at ito’y madarama, maririnig at makikita saan mang dako kayo magtungo, na maaaring ipagkamali ng mga hindi nakauunawa na magkaminsan ay ipinagkakamali sa materyalismong naglipana sa paligid.

Ang pagbibigayan, unawaan, katahimikan o kapayapaan ay mga bagay lang ng isang kabuuan sa ilalim ng temang pag-ibig na bahagi ng mensaheng ipinarating ng Paginoong Hesukristo nang Siya ay isilang na buong linaw Niyang ipinaunawa ng may kababaang-loob nang makita ang unang liwanag bilang tao.

Sa mga isinagawang pananaliksik ay lumitaw ang maraming katanungang sa kung bakit ang Dakilang Manunubos na sugo ng Amang Diyos ay kinailangan pang sa hamak na sabsaban isilang ganoong higit Siyang nababagay sa pagtrato bilang prinsipe? At ano ang hiwaga sa likod ng tala na pumatnubay sa tatlong hari na mga naunang dumalaw sa Sanggol upang Siya ay sambahin?

Habang patuloy ang pananaliksik ay parami nang parami ang katanungan subalit nanatiling iisa ang katugunan – PAG-IBIG, sapagkat ito ang buod ng Kanyang pagsapit bilang tao sa mundong ibabaw. “For God so loved the world, He sent His begotten Son”, na samakatuwid ay nakatala na’t nasusulat sa ugat ng pag-ibig.

Ito ang kadahilanan sa kung bakit sa tuwing sasapit ang Pasko, saan mang bansa o lupalop, ano man ang dayalekto o wika ay lubusang yumuyuko sa gintong aral at banal na mensahe ng Pag-ibig na nagmula sa Ispiritu ng Diyos na nasa langit.

Merry Christmas and a Happy New Year sa lahat!! (sandy belarmino)

No comments: