Saturday, November 13, 2010

280 NAGTAPOS NG BASIC COMPUTER LITERACY TRAINING

Victoria, Laguna – Tatlong batch ng iskolar na binubuo ng 280 ang nagsipagtapos ng pag-aaral ng basic computer operation sa bayang ito sa pamamagitan ni Congresswoman Maria Evita Arago, AiHu Foundation at TESDA Laguna nang nakaraang Sabado.

Ang pagtatapos ay pinagtibay ni TESDA representative Engr. Racy Gesmundo sa harap ni Mayor Raul “Nonong” Gonzales at mga local official ng naturang bayan.

Kinatawan nina G. Billy at Bella Huang ang AiHu Foundation, kasama ang training supervisor Wendell Edu at mga instructor na sina Arman Castillo at Arjay Fernandez ng Computer Van Aralan No. 3.

Masayang ipinabatid ni Gng. Huang na extended pa ang pamamalagi ng CVA dito hanggang Disyembre upang mapaglingkuran pa ang karagdagang dalawang batch ng mga iskolar na bubuuin ng 200 pang mag-aaral.

Sa mensaheng binasa ni Henry Gapit para sa kanyang maybahay ay nagpaabot ng pagbati si Rep. Ivy sa mga magsisipagtapos dahil sa natamong karagdagang kaalaman, na nangangahulugan lamang aniya na hindi sagwil ang idad o ano pa man sa ikapagtatamo nito.

Binanggit din ng mambabatas ang mahalagang papel ng TESDA na ginagampanan sa kanyang isinusulong sa aspetong pang-edukasyon ng ikatlong distrito, ganoon din ang ginagawang pagtugon ng AiHu foundation sa kanyang mga paanyaya.

Muling magsisimula ang pagsasanay ng susunod na dalawang batch ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 8 at inaasahang magtatapos sa Disyembre taong kasalukuyan. (NANI CORTEZ)

No comments: