Sunday, May 16, 2010

152 INMATES NG SPC DIST JAIL NAKABOTO SA UNANG PAGKAKATAON

San Pablo City- Natala sa kasaysayan ng lunsod ang kauna-unahang pagkakataon na makaboto ang mga inmates sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Lunsod ng San Pablo base na rin sa COMELEC Resolution No. 8811 o Rules and Regulations on Detainee Voting.

Kaalinsabay ng pagboto ng mga ordinaryong mamamayan ng lunsod ay matagumpay rin na naisagawa ang pagboto ng may 152 inmates kung kaya’t nabigyan ang mga ito ng pagkakataon na makapagpahayag ng kanilang mga damdamin gamit ang kanilang mga balota noong May 10 sa pamamagitan ng automated elections. Maaga ang ginawang paghahanda ng mga staff ng BJMP sa pamumuno ni Jail Senior Inspector Arvin T. Abastillas para sa naturang okasyon kung saan ay may itinalagang 7 escort teams ng 47 COMELEC support staff. Ganap na 8:05 n.u. ng mapasimulan ang aktwal na pagboto at natapos ng ganap na 2:45 n.h.

Tumayong mga Board of Election Inspectors sina Ms. Cleofe S. Belen, Ms. Beverle B. Capuno at Ms. Elenita E. Vidal. Matamang nagbantay rin ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPRCV) samantalang ang Commission on Human Rights (CHR) San Pablo Special Investigator II na si G. Ivanhoe G. Felices ang siyang namahala sa pagbabantay sa onsite election sa loob ng San Pablo City District Jail (SPCDJ) at umakto na rin bilang watcher.

Ikinatuwa naman ni Jail Warden Abastillas na natapos ng matiwasay ang kauna-unahang poll automation sa loob ng BJMP. Pinasalamatan rin nito ang lahat ng naging katuwang nila para sa kaayusan ng proseso ng pagboto ng mga inmates, una na rito ang lokal na pamahalaan ng San Pablo sa pamumuno ni City Mayor Vicente B. Amante Ph.D., COMELEC San Pablo, PPRCV at ang CHR. (CIO-JRC)

No comments: