Saturday, February 13, 2010

NEGOSYO AT PULITIKA

Sa pagsisimula ng official campaign period ng mga national candidates noong Martes kung saan ay siyam ang pangunahing kandidato sa panguluhan ng bansa ay lumitaw na isa o dalawa lamang sa mga ito ang may kakayanang tustusan ang kanilang tatlong buwan kampanya.

Ang iba na may pag-asang magwagi kung mabibigyang rangya ang kanilang kampanya ay malalagay sa katayuang ang kasawian ang naghihintay, na isang kalagayang posibleng sugalan ng ibat-ibang interes.

Ito ang nagpapahirap sa ating bayan sa ngayon sa dahilang ganito ang naging kalakaran ng ating eleksyon na minana pa natin sa mga henerasyong ating sinundan.

Dapat nating isaisip na pangulo ang isa sa marami nating ihahalal, siya ang magiging pinakamakapangyarihan sa bansa na marapat lamang magpasalamat sa mandatong kaloob ng bayan, na maaari niyang gantihan ng matapat na paglilingkod.

Ganito sana ang matuwid at kinakailangang mangyari subalit hindi sapagkat kaakibat ng mandatong tinanggap ang pagbabayad ng utang na loob sa animo’y mga usurerong nagpaluwal upang matustusan ang gastos sa kampanya.

Ito ang simula ng lahat na sanhi ng sapin-sapin nating pagdurusa – ang pagtanaw ng utang na loob sa mga negosyanteng nag-finance sa kanyang kandidatura na ang katumbas ay prankisa ng karapatang dayain ang taumbayan.

Ngayong eleksyon ay kaiingat kayong lahat na manghahalal. Inyong bantayan ang mga kandidato at mga lapiang kinakapos sa pondo sapagkat kung sinong mga negosyante ang umaalalay sa kanila, sa pag-upo ng inyong inihalal ay sila rin ang magnenegosyo sa pondo ng mga mamamayan.(NANI CORTEZ)

No comments: