Mahalaga lahat sa pitak na ito ang mga posisyong pinaglalabanan ngayong halalan subalit sa ganang akin ay higit kong pinagtutuunan ng pansin ang sa pagka-pangulo ng Pilipinas, Kongresista ng 3rd District ng Laguna at pagka-alkalde ng Lunsod ng San Pablo.
Hindi dahil sa minamaliit ng pitak na ito ang ibang pwesto na hindi nabanggit dahil ang totoo’y mahalaga ang lahatng ito dangan nga lamang at ang mga unang nabanggit ang may kinalaman sa aking pamilya bilang mga San PableƱo.
Ang problema nga lamang ay sa ngayo’y wala pa akong napipili sa mga kandidato at iba pang sa kasalukuyan ay nagpapahiwatig na ng paglahok sa darating na halalan. Wala pa tayong presidenteng napupusuan dahil marami silang mapagpipilian na halos ay iisa ang mga katangian.
Simple lang naman ang ating pamantayan sa pagpili sa kandidato, sapat na sa pitak na ito iyong ang hangarin ay wagas na makapaglingkod sa bayan o iyong hindi mag-iimbot, sapagkat sa tuwina’y ang kinabukasan ng mga Pinoy ang isinasaisip.
Hanggang isang araw ay mapag-alaman ko sa talakayan ng aking pamilya na buo na ang kanilang pasya sa kung sino ang iboboto bilang presidente ng Pilipinas. Kay Senador Noynoy Aquino silang lahat na akin namang iginalang dahil ito ang kanilang pasya mula sa malayang pagpapalitan ng kuro-kuro.
Kumpleto na sila kung baga sa kung sino-sino ang iitiman ang ganang bilog sa balota. Ang kongresista ng ikatlong purok ng Laguna ay si incumbent Congresswoman Ivy Arago, San Pablo City Mayor Vicente Amante sa pagka-alkalde at kay Konsehala Angie Yang sa pagka bise-alkalde at ilan sa sampung konsehal ng lunsod.
Sabagay kako’y naunahan lang nila akong mag-isip dahil humigit kumulang ay ganito rin marahil ang komposisyon ng aking iboboto kung sakali, sapagkat tulad ng nasabi ko nang mga pamantayan. Nakaharap ako ngayon sa katotohanang isinaisip ng aking pamilya ang kanilang kinabukasan.
Kaya bilang pagsang-ayon ay simple rin ang nais ko sa pagkakataong ito. Obligado para sa kanilang kinabukasan, ako’y buong pusong susunod sa kanilang pasya alang-alang sa maganda nilang bukas. (SANDY BELARMINO)
Saturday, February 13, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment