Saturday, February 20, 2010

ILANG PINUNO NG LALAWIGAN BUMISITA SA LUNSOD NG SAN PABLO

San Pablo City – Naging panauhing pandangal at nagbigay ng kani-kanilang mensahe sina Laguna Administrator Dennis S. Lazaro, Board Member Rey Paras, Mayor Caesar Perez ng Los Banos, at Vice Mayor Antonio Aurelio ng Rizal sa isinagawang Flag Ceremony ng Pamahalaang Lunsod noong nakaraang Pebrero 15, 2010.

Inihayag ni Mayor Perez na pangunahing programa niya ang pagpapalakas ng mga sangguniang barangay. Naniniwala siya na kung malakas ang bawat barangay sa buong Lalawigan ng Laguna na may kabuuang bilang na 674 ay lalakas din ang Pamahalaang Lokal ng bawat bayan na siya namang magpapalakas sa buong lalawigan.

Pinuri naman ni Bokal Rey Paras ang pagkakaroon ng disiplina sa bayan ng Los Banos sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Perez. Sinabi rin nito na ang serbisyo ay makikita sa katauhan kung kaya’t kanyang pinapanatili hanggang ngayon ang disiplina magmula pa noong siya’y isang alagad ng batas hanggang siya’y mabigyan ng pagkakataon na makapag-lingkuran bilang Bokal.

Pag-asa naman ang hatid ni Laguna Administrator Dennis S. Lazaro. Binanggit nito ang tatlo sa sampung dahilan na may pag-asa ang ating bansa. Una dito na ang Pilipinas ay mayaman sa yamang dagat na maaaring kunan ng napakaraming ikabubuhay ng bawat mamamayan. Pangalawa ay marami pang magaganda at makapigil hiningang lugar turismo ang bansa at pangatlo ang mga bagong sibol mula bagong henerasyon ng mga lingkod bayan na pawang mga agresibo at result oriented. Ayon kay Lazaro, malaking pag-asa ang hatid ng mga bagong sibol na pinuno kasama ang mga kawani ng pamahalaan para sa isang maunlad na Laguna. Masaya rin nitong inihayag na nakahanda ng ipamigay sa susunod na buwan ang mga gamot para sa 674 barangay sa lalawigan ng Laguna. Binanggit rin nito na kabilang sa taunang Proposed Annual Budget ng lalawigan ay 20M para sa lahat ng mga senior citizens at 32M para sa Lunsod ng San Pablo.

Sa huli’y inihayag ni Mayor Vicente Amante na importante ang pagkakaroon ng “continuity of service” sa Lalawigan ng Laguna lalo’t higit sa ika-tatlong distrito kung kaya’t sinabi nitong mahalagang magkakapartido o magkaka-alyansa ang pipiliin ng mga botante upang ito’y masiguro. Idinagdag pa nito ang kanyang katuwaan na siya’y nabigyan muli ng pagkakataon ng kasalukuyang Administrasyon ng Pamahalaang Lalawigan ng Laguna. (CIO-SPC)

No comments: