Nang dumalaw si Senate Protempore Jinggoy Ejercito Estrada sa San Pablo City General Hospital noong Martes ng tanghali, Pebrero 16, ay binigyan niya ng katuparan ang kanyang pangako kay Alkalde Vicente B. Amante na magkakaloob ng tulong sa ijplementasyon ng mga palatuntunang pangkalusugan ng pangasiwaang lunsod, at ito ay ang tseke para sa halagang P3-milyon na gagamitin para higit pang mapaunlad ang mga kagamitan ng ospital ng pangasiwaang lokal. Nangako rin ang senador na tutulungan niya ang punonglunsod sa pagpa-follow-up upang madali na ang pagpapatibay ng Secretary of Health sa permit-to-operate sa nabanggit na ospital gaya ng nakatadhana sa mga umiiral na batas sa bansa.
Kung isasaalang-alang ang kalalagayan sa pananalapi ng Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo, hindi inaasahan ng pinaka-Pangalawang Pangulo ng Senado na maitatayo ang nabanggit na general hospital, na hindi nagawa ng mga mayayamang lunsod sa Metropolitan Manila.
Sa katotohanan, sa pagdalaw ni Jinggoy Estrada, ay dala na rin niya ang tseke para P2.5-milyon na kaloob ni Senate President Juan Ponce Enrile para naman sa indigency program ni Alkalde Vicente B. Amante bilang pag-unawa sa kabiguan ng sangguniang panglunsod na mapagtibay ang taunang badyet na magpapahintulot na maipagkaloob ng pangasiwaang lokal ang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan ng mga mahihirap na residente ng lunsod.
Ayon kay Jinggoy Estrada, namo-monitor ng kanilang tanggapan na ang pagtulong pangkalusugan ni Alkalde Vic Amante ay hindi limitado sa sakop ng teritoryo ng San Pablo, kung kinakailangan ay inihahatid ang mga pasyente sa mga specialized hospital sa Metro Manila kung saan may higit na mga makabagong kagamitan sa paggagamot batay sa dumadapong karamdaman.
Sina Senate President Juan Ponce Enrile, at Senate Protempore Jinggoy Ejercito Estrada ay kapuwa reeleksyonista sa pagka-Senador sa ilalim ng Puersa ng Masang Pilipino. (Ruben E. Taningco)
Thursday, February 18, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment