Luwalhati na sa isang magulang na tinutugon ng kanyang mga anak ang mga pagsisikap na madulutan sila ng magandang bukas sa kabila ng ilang mga kakulangan na bahagi ng buhay ng pamilyang Pilipino.
Ang lahat-lahat siyempre sa bahagi ng isang magulang ay nais niyang maipagkaloob sa kanyang mga anak, subalit talaga namang madalas hindi ipahintulot sanhi ng kakapusan.
Katulad na lamang sa nalalapit na 18th Birthday ng anak kong si Ana sa June 24, na minsan lang sasapit sa isang nagdadalaga sa lipunang ating ginagalawan. Sa katulad ng mga ganitong pambihirang okasyon na dapat katampukan ng isang masaganang pagdiriwang ay masakit para sa isang ama ang hindi makasunod sa ganitong kalakaran.
Nakadurugo ng puso na abutan na lamang siya, katulad ng mga nag-debut niyang mga kapatid: ng limang daang piso (P500) sapagkat batid mong hanggang pang-snack lamang ito sa isang fast food chain. Alam rin nating lahat na hindi ito matatawag na regalo.
Sa kabila nito ay kaluguran para sa isang magulang na kasiyahan ang isinusukli ng kanyang anak, na hindi naghahanap sa wala, hindi kinukwenta ang kakulangan at ni hindi naghahambing sa dapat sana’y maging mataas ang antas ng pagdiriwang.
Nakababagbag damdaming marinig buhat sa labi ng iyong mga anak ang unawa ng pagkakuntento sa mga bagay na hindi at kaya mong ibigay. Ang pagpapasalamat ng iyong mga anak na sabay-sabay mong pinag-aaral sa kolehiyo, sa kabila na ito’y sadyang tungkulin ng isang ama ay glorya na para sa ating mga magulang.
Kaya naman nitong nakaraang araw ng Linggo, June 14, nang ipinagdiwang ang Father’s Day ay hindi rin ako naghanap ng regalo buhat sa aking mga anak. Ang madama ko ang kanilang unawa ay sapat na, at itinuturing kong biyaya ng Poong Maykapal. (SANDY BELARMINO)
Tuesday, June 16, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment