Sa wakas ay nakaraos din ang maraming mga magulang na mapagtapos ang kanilang mga anak sa mga nasaksihan nating mga graduation ceremonies nang nakaraang buwan ng Marso at unang linggo ng buwang ito ng Abril.
Nakahulagpos kung baga sila sa problemang gastusin na kinakailangan ng mga mag-aaral at muling mahaharap sa isa pang mabigat na suliranin – kung saan maghahanap ng trabaho ang mga bagong nagsipagtapos na ito?
Sila ba ay madaragdag sa istatistika ng mga unemployed sa kasalukuyan?
Walang kasiguruhan kung kailan sila makatatagpo ng gawain sapagkat dulot ng pandaigdigang krisis sa ngayon ay mga nagbabagsakang bahay kalakal sanhi ng pagkalugi. Nagbubunga ito ng malawakang tanggalan sa trabaho na ang tindi ay hindi natin maiisip na mangyayari kaylan man.
Ang masakit pa nito ay mga bihasa na’t may mga kasanayan pa sa mga gawain ang mga nababawas sa labor forces. Sa isang banda nama’y dumarating ang mga bagong graduates na pawang nangagbabakasakali na mabigyan ng pagkakataong maipamalas ang kakayanan, at ito’y sa iisang tanggapan na hindi pa naglalawig sa pagsisante sa kanilang mga tauhan.
Matatagalan pa ayon sa mga eksperto bago makabangon ang industriya at komersyo ng daigdig. Bawat araw na magdaraan ay higit pa itong magiging kumplikado, subalit huwag na sanang pagtiyagaang hintayin pa ito ng mga bagong nagsipagtapos sa pag-aaral. Huwag na sana silang umasa sa pag-asa.
Total overhaul ang kailangan ng negosyo ng daigdig sa ngayon, may mga maling patakarang dapat baguhin at dito nakalalamang ang mga bagong graduate kung sila’y magpapakabayaning sumuong sa larangan ng kalakaran. Ang kanilang puhunan gaano man kaliit ay higit na matimbang kaysa sa laksa-laksang inutang ng mga higanteng negosyo makabangon lamang.
Umpisahan nawa ng mga bagong graduate na ito ang nararapat na gawin. Magsimulang maliit sa negosyo, gamitin ang makabagong istratihiyang natutunan sa paaralan at maging bahagi ng isang sangkap sa tunay na pagbangon (SANDY BELARMINO)
Monday, April 20, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment