Monday, February 9, 2009

BLACK VALENTINES DAY PROTEST, ILULUNSAD

San Pablo City - Hindi kulay-pula ang puso ng tanggapan ng Pangalawang Punong Lunsod Martin A. Ilagan sapagkat wala itong pagmamahal sa mga maralita ng Barangay I-B at wala itong pakialam sa kahihinatnan ng mga bahay ng mamamayan kung tuluyan itong magigiba. Ganito ang buod ng salaysay ng Pangulo ng Buklod ng Pagkakaisa Neighborhood Association, Inc. at Kasapi ng Kalipunan ng mga Samahan sa Kanayunan ng Timog Katagalugan (KASAKA-TK).

Kaugnay nito ay isang Black Valentines Day protest ang kanilang inihahanda na suportado ng buong kasapian sangayon kay Tony Cerillo, pangulo ng Buklod.

Kung kaya sa ika-13 ng Pebrero sa panahon na ang pagbati ng mga pulitiko sa araw ng mga puso ay mamamayagpag ay sisimulan ng KASAKA-TK ang isang tuloy-tuloy na protesta, hanggang ang ordinansa para sa EXPROPRIATION PROCEEDINGS ay ganap na maging isang batas, ayon kay Jun C. Labro, taga pangulo ng nasabing samahan.

Dagdag pa ni Labro na ipinasa ng Sanggunian Barangay I-B, sa pamumuno ni Chairman Ricardo San Diego, ang resolusyong pipigil sa bantang demolisyon sa mahigit 400 kabahayan na kanyang nasasakupan. Ang Resolusyon Blg. 19, Serye No. 08 ng Sangguniang Barangay ay panimulang hakbang upang matulungan ang mga maralita. Magugunitang Nobyembre 14, 2008 ng tanggapin ng Bise-Alkalde ang naturang resolusyon ngunit Enero 22, 2009 lang nito konkretong binigyan pansin.

Ang higit na nakakainsulto para sa mga residente ay sa halip na kumpletuhin ng tanggapan ni Ilagan ang proseso ng lehislatura ay inilipat nito ang responsibilidad sa tanggapan ni Mayor Vicente B. Amante, na pagpapakita ng Bise Alkalde na di pa nauumpisahan ay inurungan na ng kanyang tanggapan ang sinumpaang tungkulin sa mamamayan. Ang dahilan ni VM Ilagan ay hindi daw dumadalo sa sesyon ang mga kasapi ng kanyang konseho.

Sa ngayon, inilalarawan ng mga residente ng Angeles Compound na “Walang Puso” para sa maralita ang Tanggapan ni Vice Mayor Martin A. Ilagan ngunit hinuhulaangg sa mga susunod na araw buong pagyayabang nitong aangkinin ang kanyang pagmamahal sa mga nasasakupan. Magiging “Pula” na naman ang kanyang puso dahil sa darating na halalan ng 2010, ayon pa sa mga naturang residente. (SLPC)

No comments: