Monday, February 9, 2009

ANNUAL BUDGET HINDI PA RIN NAPAGTITIBAY NG SANGGUNIANG PANLUNSOD

Lunsod ng San Pablo - Bunsod ng mahabang panahong hindi pagkakaroon ng sesyon sa Sangguniang Panlunsd (SP), nabalam ng husto ang pag-apruba sa taunang budget ng lunsod na ito.

Noong Enero 19, 2009, ibinalik ng Sangguniang Panlunsod sa pamamagitan ng koreo ang labindalawang kopya ng General Fund Annual Budget for Calendar Year 2009 na nauna ng isinumite ng Tanggapan ng Punong Lunsod para mapagtalakayan at tuloy ay aprubahan.

Subalit hindi pa man lang ito natatalakay sa bulwagan ng Sanggunian, ibinalik na ito dahil sa diumanoy “bloated” at hindi sumusunod sa tagubilin ng Commission on Audit (COA).

Ayon kay City Administrator Loreto S. Amante, nagpahayag si Mayor Vicente B. Amante noong Enero 27 upang alamin kung ano ang problema sa proposed budget at ayaw itong aprubahan subalit wala umanong maiturong espesipikong problema si Vice Mayor Martin A. Ilagan maliban sa ito diumano ay “bloated”.

Sa isang press release na ipinalabas ni Arnold Acebron, Executive Secretary ni Vice Mayor Ilagan, sinasabi na “nagkaisa ang lahat ng mga pinuno ng tanggapan na dapat ay bawasan ang estimated revenues ng pamahalaang lokal upang makatugon sa tagubilin ng COA.” Mariin naman itong itinanggi ng mga department heads dahil ayon sa kanila, hindi sila tinanong tungkol dito.

Nakasaad din sa press release na ang “panukalang budget ay dapat naglalaman lamang ng mga tinatayang kita o estimated revenues na may kaseguruhan na makokolekta ng lunsod.

Kaugnay nito, sinabi ni Admin Amante na hiniling ng tanggapan ni Punong Lunsod kay Vice Mayor Ilagan na magkaroon ng isang marathon hearing upang mabigyan ng pagkakataon ang bawat isang department head na ma-justify ang kani-kanilang budget subalit walang marathon hearing na naganap.

Ayon naman kay Secretary to the Mayor Rudy Laroza, hindi dapat isalalay ang pag-apruba ng budget sa estimated revenues, gaya ng ikinakatwiran ni Ilagan dahil aniya, maging ang pamahalaang nasyunal ay nag-a-aprub ng budget base sa estimated revenues. “Wala namang problema doon. Kung hindi makolekta, eh, di pagkakasyahin ang kung anong nakolekta”, wika ni Laroza. “Ang mahalaga, hindi mababalam o mapaparalisa ang serbisyo publiko at mga programa ng pamahalaan”, dagdag pa nito.

Noong Biyernes, Pebrero 5, muling ibinalik ni Mayor Amante ang 2009 proposed budget sa Sangguniang Panlunsod bilang susog at aksyon na rin sa isang liham na ipinadala doon ng mga department heads na humihiling na madaliin ang pagpasa sa 2009 budget sa ngalan ng serbisyo publiko. (MEL EVANGELISTA, Laguna Courier, Feb 9-15, 2009, Vol XIII No. 02)

No comments: