Monday, January 26, 2009

142 COLLEGE SCHOLARSHIP NI CONG. SAN LUIS, IPINAGKALOOB SA MGA TODA DEPENDENTS

Sta. Cruz, Laguna - Isang daan at apatnaput-dalawang (142) kaanak ng mga umaasa sa industriya ng tatlong gulong sa ika-apat na purok ng lalawigan ang napagkalooban ng College Scholarship sa ilalim ng programang “Iskolar ni Kuya Egay” na itinataguyod ni Cong. Edgar San Luis dito nang nakaraang Biyernes.

Sa seremonyang sinaksihan ng mga pangulo ng Tricycle Operator Driver Association (TODA) Federation ay personal na ipinamahagi ni Cong. San Luis ang katibayang sakop ang mga ito ng naturang proyekto at karagdagan sa dati nang bilang na 2,300 iskolar sa elementarya, high school at kolehiyo na tinutulungan ng kongresista.

Ayon kay Andres Fortuna, pangulo ng 4th district TODA Federation na sumasakop sa 16 na bayan at 158 asosasyon, ay malaking kaluwagan para sa kanilang pagta-tricycle ang ikinabubuhay ang nasabing scholarship sapagkat lubhang napakahirap sa tulad nila ang magpaaral ng anak sa kolehiyo.

Ang bawat iskolar sa kolehiyo ay tatanggap ng P7,000.00 alalay buhat sa “Iskolar ni Kuya Egay” educational program kada semester.

Sa ekslusibong panayam kay Cong. San Luis ay tiniyak ng kongresista na ito’y inisyal pa lamang at ipagpapatuloy ang nasabing programa hanggang makaabot sa mas nakararaming nasasakupan sapagkat siya aniya’y naniniwala na edukasyong ang pinakamabisang paraan upang ang tao ay makahulagpos sa kahirapan.

Umaabot na sa P30 milyon kada taon ang Special Educational Fund ni San Luis sa ika-apat na purok ng lalawigan, at nabatid na ang mga benepisyaryo ay nagsisipag-aral sa loob at labas ng lalawigan.

Umalalay sa seremonya ang mga TODA President na sina Rolando Jacobe, Lumban; Jerry Matienzo, Famy; Alex Paduda, Luisiana; Ramil Galibo, Pila; Andy Fadul, Paete; Rolando Passion, Pakil; Jimmy Vismonde, Siniloan at iba pang opisyales ng TODA Association.(NANI CORTEZ)

1 comment:

lailanie said...

pwede po makahingi ng life biography ni Cong. San Luis para po sa research ko po sa school... hirap po kasing maghanap eh... yung iba po kasig politician meron eh... yun pong kanya hirap maghanap