Marahil ay wala nang hihigit pa kung ang kulay ng success story sa larangan ng pulitika ang pag-uusapan sa tagumpay na natamo ng yumaong Gobernador Felising San Luis ng Laguna na katulad ng Leviste ng Batangas ay isa sa pinakamatagal sa kasaysayan ng bansa.
Hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa ng mga dalubhasa sa pulitika kung anu-ano ang mga katangiang taglay ng dalawang nasabing ehekutibo ng lalawigan. Hindi naman masasabing dahil sa partidong kanilang kinaaaniban dahil ang dalawang yumaong gobernador ay pambato ng magkaibang partido at kapwa die-hard ika nga – si Gob Sanoy ay Nacionalista samantalang si Gob. Felising ay Liberal.
Ang ipinagtataka ng marami ay kahit sinong maupong presidente ng Pilipinas noong mga panahong iyon ay hindi sila makanti sabihin mang nasa magkabilang dulo ng paniniwala. Nang si Pang. Diosdado Macapagal ang nasa trono ng kapangyarihan ay wala itong magawang hakbang laban kay Leviste sa kabila ng tahasang pagtutol nito sa Lapiang Liberal.
Tahasan din ang pagtutol ni Gob. Felising sa Partidong Nacionalista sa panahon nina Presidente Garcia at Pang. Marcos at ito ay alang-alang sa ideals ng Partidong Liberal para sa mga kalalawigan. Mahihinuha na marahil natin ang haba ng panahong isinakripisyo ng yumaong gobernador para sa kanyang nasasakupan sapagkat si Marcos sa kalagitnaan ng ikalawang termino ay nagdeklara ng batas militar.
Binuwag ni Marcos ang Senado at Kongreso upang sa ganoon ay pwersahang manatiling pangulo ng bansa. Binuo niya ang partidong KBL kapalit ng Nacionalista at Liberal. Hindi pa rin sumuko si Gob. Felising sa kabila ng lahat ng ito at sa likod ng katotohanang nasa ilalim tayo ng diktaturya. Madalas yanigin ni San Luis sa tibay ng kanyang paninindigan at walang takot na pagpapasya ang Malakanyang.
Hindi siya pumayag na maging bahagi ng binubuong Metro Manila Commission (MMDA sa ngayon) ang mga bayan ng BiƱan at San Pedro sapagkat idinahilan niyang magtatayo rin siya ng Metro Laguna, na marahil ay isang pananaw dahil sa tinatamasang kaunlaran ng 1st district ngayon. Hindi rin siya lubusang nagpailalim sa diktaturya sapagkat noong halalan para sa Batasang Pambansa nang 1984 ay nagbuo siya ng sariling tiket laban sa KBL, kung saan naipanalo niya ang isa sa apat niyang kandidato bilang assemblyman na imposibleng magawa laban sa makapangyarihang KBL noon.
Ang tanong marahil ay bakit hindi matinag si Gob. Felising ng diktaturya? Dahil ba sa kanyang karisma, husay ng tindig at paniniwala o dahil sa husay ng ginagawang paglilingkod ay siya at ang Lalawigan ng Laguna ay iisa. Siguro’y tulad nga ng lahat na nabanggit, dahil mula sa pagiging konsehal ng Sta. Cruz ay nahalal siya bilang gobernador ng Laguna noong 1955 at mula noo’y hindi na magapi-gapi.
Totoo nga palang pabalik-balik ang kasaysayan na madalas bigkasin sa isang alamat, maraming nakapapansin na ang kagitingan ng ama ay bakas sa katatagan ng kanyang anak. Ang ama nanindigan sa tama, ang anak tumayo para sa katotohanan, na kapwa nag-iisa. Taglay rin ng anak ang karisma, tibay ng paninindigan at husay sa paglilingkod para sa kanyang nasasakupan, at ito’y dahilan sa ang ama – si Gob. Felising at ang anak – si Cong. Egay ay iisang San Luis. (ST Herald/NANI CORTEZ, Pres. Seven Lakes press Corps)
Tuesday, January 27, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment