San Pablo City - Malaking pinsala ang idinulot sa mga San Pableño ng apat (4) na linggong walang sesyon ang Sangguniang Panlunsod (SP) sanhi ng magkakasunod na adjournment dahilan sa kawalan ng quorum.
Batay sa record ng Sangguniang Secretariat ay walang naganap na regular session sa mga petsang Nobyembre 25, Disyembre 2, 9 at 16 taong kasalukuyan na nag-ugat sa pagliban at pagbalewala ng mga konsehal sa kanilang mga sinumpaang tungkulin. Ito ay nagdulot sa pagkakabinbin ng Proposed Annual Executive Budget para sa taong 2009 at pagkalugi ng P2-Milyong piso para sa taumbayan.
Ang annual budget ng lunsod ay karaniwan nang tinatalakay sa mga nasabing panahon upang ganap na mapagtibay bago matapos ang taon. Napag-alamang hindi ito umusad sapagkat halos wala man lamang nagaganap na budget hearing ang komitibang naatasan hinggil dito na pinamumunuan ni Kon. Jojo Biglete bilang chairman at Kon. Abi Yu bilang vice-chairman.
Nabatid na ang kawalang aksyon ng SP ay repleksyon sa liderato ni Vice-Mayor Martin A. Ilagan na bukod sa nagdulot ng pinsala sa mga mahahalagang lehislasyon ay naging sanhi sa pagka-lugi ng P2-milyon piso sa kabang-yaman ng lunsod.
Sa ngayon ang SP ay may taunang budget na P25-milyon na kinapapalooban ng suweldo at benepisyo ng vice-mayor, 12 konsehal, 89 regular at co-terminus na kawani at humigit kumulang na 40 kaswal na empleyado. Suma-total nito ay P2-milyong pagkalugi ng taumbayan katumbas ng apat na linggong walang sesyon. (Sandy Belarmino)
Friday, December 19, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment