San Pablo City – Bilang paghahanda upang kaagad ay matugunan ang mga tawag na pangkagipitan na maiuugnay sa disaster management, napag-alamang ang mga tauhan ng City Health Office sa pamamatnubay ni Dr. Job D. Brion ay bumalangkas na ng isang contingency plan na ipaiiral simula sa Disyembre 24, 2008 hanggang Enero 1, 2009, at ang lahat ng pinuno at tauhan ng tanggapan ay on-call at may katiyakang makararating sa kanilang tanggapan sa loob ng maikling panahon lamang matapos na sila ay mapaabisuhang kailangan ang kanilang paglilingkod o serbisyo.
Itinatagang Team Leader si Dr. Lucy Celino para sa Medicolegal examination and disease outbreak control, at si Dra. Ma. Victoria L. Guia para sa Child Abuse Prevention and Intervention Network (CAPIN) na katuwang niya si Social Work Officer Rolando Cabrera ng City Social Welfare and Development Office. May kinatawan din dito ang San Pablo City Police Station.
Nabanggit ni Dra. Marivic Guia na sina Bb. Filipina Catipon, Corazon Musicat at Genoveva Martinez ang bumubuo ng Surveillance and Disease Outbreak Control, at may mga sasakyan, kasama na ang mga ambulansiya ng pangasiwaang lunsod na nakatalaga para sa kanilang disposisyon para maging epektibo ang kanilang pagkilos at pagkakaloob ng mga pangkagipitang tulong ngayong panahon ng kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Samantala, isang maikling pakikipanayam kay Chief of Police Joel C. Pernito, kanyang simpleng binanggit na gising-na-gising ang kapulisan sa panahon ng holiday season upang ang mamamayan ay mapayapang maisagawa ang pagdiriwang, upang ang mga pagod na manggagawa na sasamantalahin ang ilang araw na bakasyon ay makapamahinga ay magkaroon ng kapanatagan samantalang sila ay mahimbing na natutulog sa kanilang mga tahanan. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)
Monday, December 15, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment