“MAGING KAPITA-PITAGANG KRISTIYANO” - Nairaos ng mga San Pableño ang Kapaskuhan kaalinsabay ng ginawang pagdiriwang ng buong bansa sa araw ng kapanganakan ng ating Manunubos sa payak na sabsaban.
Hindi naging hadlang ang kahirapan ng buhay sa ating mga kababayan upang minsan pa’y gunitain ang pakumbabang pamumuhay simula sa Kanyang pagsilang hanggang maging ganap ang ating katubusan. Kung bakit pinili ng Panginoon ang kasimplehan ay maaaninaw sa Kanyang Ebanghelyo noong Siya’y kasalukuyang nangangaral dito sa panandaliang mundo.
At kung bakit iniwasan Niya ang karangyaan sa kabila ng Siya ang Hari ng mga Hari ay sapagkat nais Niyang ipamalas sa sanglibutan na sa ganoong kaparaanan lamang magkakaroon ng katuparan ang naisin ng Amang nasa sa Langit. Sumpa ng pagpapakasakit ang katawagan dito.
Kaya nga’t tuwing araw ng Pasko, bagama’t may nakagisnan tayong marangyang pagdiriwang dala ng mga nagpalaganap ng Kristiyanismo sa ating bansa, ay hindi nagiging sagwil ang kahirapan upang damhin ang espiritu nito. Kadalasan pa’y higit na masaya ang sektor ng mga mahihirap kaysa sa mga nakaririwasa.
Ito’y dahilan sa nilikha ng Diyos ang mga mahihirap na Kanyang kawangis. Tulad Niya ang mga mahihirap ay hindi mapaghanap ng labis sa kanilang mga pangangailangan, tulad Niya’y ang mga mahihirap ay nalalang para maglingkod sa Ama at tulad Niya’y ang mga mahihirap ay handang magpakasakit alang-alang sa ikaluluwalhati ng Diyos na nasa Langit.
Sa anu’t ano pa man ay sana’y ang natamo nating biyaya sa Banal na Araw ng Kanyang kapanganakan ay lagi nating alalahanin sa pang-araw-araw nating buhay. Ito sana ang lalong magpatibay sa ating pananampalataya, na sa panahon ng mga nagdaraang krisis ay hindi tayo Niya pinababayaan, na nandiyan Siya tuwina upang pagaanin ang ating dalahin at patuloy tayong sinusubaybayan upang gampanan ang Kanyang katuturan bilang Tagapagligtas.
Ano pa’t bilang ganti sa ganap na pagkatubos ay humayo tayo sa itinuro Niyang matuwid na landasin na may pagpapakumbaba at mamuhay ayon sa banal Niyang layunin bilang tao at Kapita-pitagang Kristiyano.(SANDY BELARMINO)
Saturday, December 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment