Saturday, November 1, 2008

TOLENTINO AT BELARMINO NG SPCSHS, NAMAYANI SA DEPED RSEC

Siniloan, Laguna - Nakamit ng San Pablo City Science High School ang unang karangalan sa essay writing (English) at ikalawang karangalan (Filipino) sa ginanap na Regional Science Environmental Camp (RSEC) sa bayang ito.

Sa temang GLOBAL PROTECTION AND CONSERVATION FOR MOTHER EARTH (Ingatan si Inang Kalikasan para sa masaganang kabuhayan ngayon at sa kinabukasan) ay napagwagian ni Geri Mae A. Tolentino ang unang karangalan sa English Essay Writing Contest, samantalang si Sandy Marie D. Belarmino naman ang nakakuha ng ikalawang karangalan sa Filipino essay writing.

Nagbuhat sa mga lalawigan at lunsod ng Region 4A (CALABARZON) ang mga mag-aaral na nagsilahok sa naturang timpalak paligsahan sa pagsulat ng sanaysay at tanging ang Lunsod ng San Pablo ang mayroon pinakamaliit na delegasyon ikumpara sa mahigit na isang daang kalahok ng iba’t-ibang lalawigan at lunsod ng rehiyon.

Naunang napanalunan nina Tolentino at Belarmino ang unang karangalan sa essay writing contest ng San Pablo City Division of Public and Private Schools noong nakaraang Oktubre 15, 2008 kung kaya’t ang nabanggit na mga 4th year student ng San Pablo City Science High School ang awtomatikong naging opisyal na kalahok sa tatlong araw na RSEC (Oct. 29-31) na itinataguyod ng DepEd Region 4A.

Lubos ang naging kasiyahan ni San Pablo City Mayor Vicente B. Amante ng makarating sa kanya ang balitang pagkapanalo ng mga mag-aaral ng SPCSHS: “Ito na marahil ang pinaka-magandang regalong natanggap para sa aking kaarawan nitong nakaraang Oktubre 27. Namumunga na ang bisyon at misyon ng ating lokal na pamahalaan sapagkat ng ipinatayo ng inyong lingkod ang SPCSHS ay nakatuon lang ito para sa pagpapalawak ng karunungan sa agham at makabagong teknolohiya subalit pati ang pagsibol ng magagaling na manunulat ay dito rin pala magmumula” wika ni Amante.

Si Bb. Helen A. Ramos (Education Supervisor I of Secondary Science) ang Officer-In-Charge ng SPCSHS samantalang ang tumatayong mga coach/trainor sa nagwaging sina Tolentino at Belarmino ay si Bb. Venus B. Endozo at Rosette P. Hernandez. (RAMIL BUISER/spc-cio)

No comments: