Wednesday, October 29, 2008

ALS GRADUATES NG BJMP KINILALA NG DEPED

San Pablo City - Pinagtibay ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang 39 inmates na nagsipagtapos ng elementarya at sekondarya sa district jail ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa palatuntunan ng pagtatapos na ginanap dito kamakailan.

Sa temang Edukasyon, Susi sa Pagbabagong Buhay, ang mga bilanggong nagsipagtapos ay sinanay ng BJMP Region 4A sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng DepEd kung saan pito ang naka-kumpleto ng leksyon sa elementarya samantalang 32 ang nakatapos ng sekondaryang edukasyon.

Ayon kay District Jail Warden J/S Insp. Arvin Abastillas ay isinagawa ang pagtuturo sa mga araw ng Sabado at Linggo ng mga ALS mobile teacher na sina Marita Sanchez, Mirasol Balagtas at Catalino Pornobi, Jr..

Isa sa mga nagsipagtapos, si Michael Peralta ang pinahintulutan ni BJMP Provincial Supervisor J/Supt. Randell Latoza na makatungo sa tanggapan ni DepEd Secretary Jesli Lapuz para sa simbolikong pagkilala.

Si City Administrator Amben Amante ang panauhing pandangal sa isinagawang graduation rites sa compound ng naturang piitan na sinaksihan nina Division of City School Superintendent Dr. Formintilla at Dr. Miguela Marasigan ng ALS.

Kaalinsabay nito ay napagkalooban din ng katunayan ng kasanayan sa kursong reflexology ang 42 inmates na kanilang magagamit sa paghahanapbuhay sa panahon ng paglaya. Ang programa ay isinusulong ng BJMP 4A sa ilalim ni J/S Supt. Norvel Mingoa sa tagabulin ni BJMP Director General Dial. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)

No comments: