Saturday, September 6, 2008

SPCGH MALAPIT NANG PASINAYAAN


Nasa larawan ang papatapos nang San Pablo City General Hospital na itinatayo ng kasalukuyang pamunuan ni Mayor Vicente B. Amante at rektang pamamahalaan ng lokal na pamahalaan ng Lunsod. (Sandy Belarmino)

San Pablo City – Ipinahayag ni Mayor Vicente B. Amante na sa huling bahagi ng taong kasalukuyan o dili kaya’y sa mga unang buwan ng taong 2009 ay ganap nang matatapos ang itinatayong San Pablo City General Hospital (SPCGH) at ito’y masisilbing malaking tulong sa mga kababayang nagkakasakit.

Isinagawa ni Amante ang pagpapahayag sa harap ng mga nagsidalong empleyado ng pamahalaan, mga mula sa ngo’s. civic at private group at mga kapwa opisyales ng pamahalaan noong nakaraang pagdiriwang at paggunita sa Araw ng mga Bayani.

“85 hanggang 90 porsiento nang natatapos ang konstruksyon ng ating San Pablo City General Hospital at akoy tunay na umaasa kalakip ang patnubay ng Poong Maykapal na sa huling bahagi ng taong 2008 o dili kaya’y sa unang buwan ng taoong 2009 ay ganap nang makapaglingkod sa mga maralitang kababayan ang ospital nating ito” ani ni Mayor Amante.

Lubos na ikanagagalak ng mga San Pableño ang pagpapatatayo ni Amante ng sariling ospital ng lunsod sapagkat malaki itong kaluwagan para sa kanila bukod pa sa magiging dalawa na ang pampublikong pagamutan na agad na maglilingkuran sa oras ng pagkakasakit.

“Legasiya at Historya ang nais nating iwan sa susunod na lahing San Pableño. Mahirap man tayo o mayaman; may aral man o wala; bata man o matanda ay iisa nawa ang matunghayan ng susunod na henerasyon – na tayo’y hindi nagpabaya para sa kanilang mga pangangailangan tulad ng edukasyon at kalusugan. Alay po natin ito sa lahat sapagkat pagbabalik lamang ito ng pagtitiwalang ipinagkaloob sa amin,” pagtatapos ni Mayor Amante.(JONATHAN ANINGALAN/cio-spc)

No comments: