Friday, September 19, 2008

BUTIL NG KANIN, 'WAG SAYANGIN

San Pablo City - Nagpatibay ng resolusyon ang Sangguniang Panlunsod dito na nananawagan sa mga mamamayan upang huwag magsayang ng kanin na karaniwang nang nangyayari sa mga hapag kainan ng bawat tahanan.

Ang Resolusyon Blg. 2008-369 na iniakda ni konsehal Ellen T. Reyes na kinatigan ng buong sanggunian ay isa-isang tinukoy ang nakababahalang kalagayan ng daigdig sa kakulangan ng pangunahing butil ng bigas sa mga pamilihan, at ang unang paraan upang ito ay malunasan ay ang huwag itong sayangin.

Sinabi ni Reyes na nakakaalarma ang katotohanang mahigit sa kalahati ng populasyon sa mundo ang nagdaranas ng gutom, isa kada apat na segundo ang namamatay at ayon sa United Nation ay aabot sa apat na milyon na karamiha’y bata sa pagtatapos ng taong ito.

Ang Pilipino ayon sa konsehala ay top importer ng bigas na umaabot ng 1.7 milyong tonelada taon-taon ngunit sa kabila nito ay nagdaranas pa rin ng kakulangan sa butil ang bansa. Nakalulungkot dugtong pa ni Reyes na ang Pilipinas ay nag-aaksaya ng 24,605 kaban ng bigas araw-araw ayon sa Bureau of Agricultural Statistic at ang kanyang resolusyon ay naglalayong simulan ang kampanya laban sa pagsasayang ng gintong butil dito sa lunsod.

Inaasahan ni Reyes na tutugunin ng taumbayan ang kanyang Anti-Squandering Rice Program hanggang lumaganap sa buong kapuluan. (ITO BIGUERAS/ CIO)

No comments: