Palaisipan sa may-akda ang katagang Hinog sa Panahon, at hanggang sa ngayon ay inihahanap ko ng kasagutan. Sa maraming pagkakataon ay madalas natin itong naririnig na kalimitang iniaangkop sa mga personaheng lingkod bayan, lalo na sa panahong nagnanais ang mga ito sa mas mataas na katungkulan.
Si Vice-Governor Ramil Hernandez ay marami ang nagsasabing hinog na sa panahon, kay Senior Board Member Karen Agapay ay ganoon din, kay Cong. Ivy Arago at kay Vice-Mayor Martin Ilagan ay naipapang-uri din ang mga nasabing kataga. Napapa-angkop rin ito sa iba pang lingkod bayan na marahil ang ibig nilang sabihin ay subok na.
Maaari ngang ito ang nais nilang ipakahulugan subalit hindi naman sa lahat ng personalidad dahil may mga lingkod bayan tayong kung turingan ay madaling lapitan subalit iyon nga lang mahirap matagpuan. Sa isang banda ay maaaring ang ibig nilang sabihin ay kwalipikado sa tinitingalang pwesto sakaling magkakaroon ng halalan.
Sinasang-ayunan ng may akda ang huling nasabing punto sapagkat napaka-simple ang maging kwalipikado dahil pinadali ng batas ang mga sangkap na katangian ukol dito. Edad at Filipino Citizenship lang ang problema minsan. Ang tadhanaing “able to read and write” ay wala tayong nakikitang problema, dahil si “Tuldok” man na pagala-gala sa City Hall ni Pablo’y ay makakaya itong lampasan sapagkat ito ay maghapong basa nang basa at sulat nang sulat!
Ang mahirap na pagsusulit bagama’t hindi itinatadhana ng batas pang-eleksyon, ay ang pagkakaroon ng isang tao ng kredibilidad at sinsiridad. Marami ang nakasisigurong lalagpak dito kung kaya nga hindi na isinama ng mga nagbalangkas ng batas ay upang hindi mapagkaitan ang kanilang sarili.
Ano ba ang kredibilidad at sinsiridad? Kapag nag-yes ang iyong kausap na ibig sabihin ay OO at ginawan ng paraan upang makatulong at matupad ang ipinangako, aba kredebilidad itong matatawag. Panalo ang taumbayan kapag ang isang lider ay kahalintulad nito.
Saka-sakali namang manghihingi ka ng tulong at ang nilapitan mo’y naubusan na sa dami ng lumalapit tulad ni City Admin LORETO “AMBEN” AMANTE, na-nag-a-advance sa suswelduhin upang hindi umuwing luhaan aba’y sinsiridad sa pagtulong ang tawag naman dito. Ang lingkod bayan na si City Admin Amben ang matatawag na “madaling mahinog ng panahon.” Siguro’y ito na nga ang ibig nilang ipakahulugan. (SANDY BELARMINO/VP-Seven Lakes Press Corps)
Friday, September 12, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment