Saturday, July 19, 2008

WALANG BAWAL SA WORKAHOLIC

Kapag likas ang sipag ng isang nilalang kahit may nararamdaman at iyong pagbawalang magpagod, kunti lang maramdamang bumubuti ang kalagayan ng kanyang kalusugan ay patagong kikilos upang gamitin ang pansamantalang kalakasan sa pagnanais na bawiin ang mga araw na para sa kanya’y nasayang. Ang tawag sa kanila’y “workaholic” sapagkat walang bawal sa kanila kung sariling katawan ang humihimok sa isipan na magtrabaho.

Sa nakita ng pitak na ito sa transpormasyon ng Barangay San Jose (Malamig) ay ganito humigit kumulang ang aking natuklasan, na labag man sa payo ng kanyang manggagamot na mag-rest at magpagaling ay walang inaaksayang panahon si ABC President Gener B. Amante sa mga pagkakataong bumubuti ang kanyang kalusugan.

Ang naturang barangay sa pakikipag-tulungan ng mga kagawad at mga opisyales nito kay ABC President Gener ay nakagawa ng isang malaking pagbabago sa kanilang lugar. Luminis ang barangay, lumiwanag kung gabi sanhi ng pagkakaroon ng ibayong katahimikan at higit sa lahat ay nagawang luntian ang kapaligiran. Itinatayo na rin ang kanilang pangalawang bagong Barangay Hall.

Ala eh, nakatawag pansin sa pitak na ito ang malawak na taniman ng sari-saring gulay sa Brgy. San Jose Malamig. Hindi ito dahilan sa ngayon lang tayo nakakita ng gulayan, hindi rin sa ngayon lang nakakita ng ganitong karaming pananim at lalong hindi na ngayon lang natin nalaman kung paano ito pinuputi. Ito ay sapagkat may istoryang napag-alaman si Kagawad Kawad na kaakibat ng mga nasabing pananim.

Palibhasa’y todo suporta ang mga kagawad sa kanya ay hindi miminsang inako ng mga ito ang trabahong pambarangay ni Pangulong Gener subalit laking pagtataka nila tuwina dahil makaraan lang ang bawat pag-uusap ay una pang naglilibot ang Brgy. Chairman Amante upang tingnan ang katahimikan ng kanyang barangay. Ngunit wala silang magawa kundi ang tumingin ng may kasamang pag-iling.

Ang tangi na lang nilang nagagawa kay Pangulo ay ang pagpapa-alaala sa payo ng doktor na huwag magtatrabaho at magpapagod, ngunit ang sadyang masipag ay palaging may handang katwiran, tulad nang makita si pangulo nina kagawad sa kanilang taniman ng gulay. “Pangulo silong na po tayo, nagsisimula nang tumindi ang sikat ng araw,” anang mga kagawad ng San Jose.

“Salamat”, ani pangulo “pero ramdam kong dito ako gumagaling”.

Kaya ba ito ng ibang kagalang-galang ng Sangguniang Panlunsod? Tanong lang po ito.(sandy belarmino)

No comments: