San Pablo City - Magkasabay na isinasagawa ng National Statistics Office (NSO) ang malawakang Annual Poverty Indicators Surveys (APIS) at Labor Force Survey (LFS) upang makuha ang datos na gagamitin ng gobyerno sa pag-aaral para sa higit pang ika-uunlad ng bansa.
Layunin ng mga naturang survey ang makalap ang wastong impormasyon na may kinalaman sa iba’t-ibang non-income indicators kaugnay sa kahirapan katulad ng pagkakaroon ng isang pamilya ng sariling tahanan, may pinagkukunan ng potable drinking water, energized na tirahan at pangkalusugang pangangailangan tulad ng malinis na palikuran.
Sakop din ng pag-aaral kung ilan sa miyembro ng pamilya na edad 18 taon pataas ang may pinagkakakitaang hanapbuhay at pagitan ng anim hanggang 16 na taong gulang ang pumapasok pa sa mga paaralan. Nakapaloob din dito ang pagtaya kung ilang pamilya ang may kakayanang tustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan upang maayos na makapamuhay.
Mahalaga ang mga tala na makakalap sapagkat ito ang gumigiya sa pamahalaan sa pagpapatupad ng mga polisiyang nauukol sa kaunlaran ng bawat mamamayan.
Dahil dito ay hiniling ni NSO Regional Director Rosalinda P. Bautista sa publiko na makipagtulungan sa kanilang itatalagang tauhan sa field upang makatiyak na tama at wastong datos ang kanilang maitatala.
Ang survey ay inaasahang magtatapos sa katapusan ng Hulyo, taong kasalukuyan. (NANI CORTEZ/SANDY BELARMINO)
Monday, July 14, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment