Liliw, Laguna- Nagtapos na nang nakaraang Linggo ang grupo ng Ivy Scholars sa bayang ito na sumailalim ng pagsasanay sa Kursong basic computer training na binubuo ng 268 sa pakikipagtulungan ng TESDA at Bagong Henerasyon (BH) Party List.
Sa nasabing bilang ay 208 ang nagsanay sa computer literacy, samantalang 60 ang kumuha ng computer technical na kaalaman na pawang pinagtibay ni TESDA Provincial Director Luisita de la Cruz makaraang kumpirmahin ni BH Partylist Congresswoman Bernadette Herrera-Dy ang kanilang pagtatapos
Ang computer learning program ay bahagi sa isinusulong na adbokasiya ni Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago sa buong distrito kung saan libo-libo na ang natulungan sapul ng masimulan noong Pebrero nang nakaraang taon.
Naniniwala si Arago na ang teknolohiyang ito ay sagisag ng makabagong panahon kaya marapat lang aniyang makaangkop ang mga taga ika-3 purok ng lalawigan
Magugunitang tatlong ulit nang nakapaghandog ng pagsasanay sa computer learning sa Lunsod ng San Pablo at dalawang ulit na sa bayan ng Victoria sa pamamagitan ng AiHu Foundation computer van aralan. Nagdulot ito ng malaking bilang ng mga nagtapos sa TESDA na dahil sa skills na natamo ay marami na rin ang nagtatrabaho na.
Ang BH computer van aralan ay pinangangasiwaan ng kanilang computer instructor na sina Mark Joseph Inawat at Elbert Santiago, sa pamamatnubay ni Cong. Herrera-Dy.
No comments:
Post a Comment