Friday, December 10, 2010

PINOY APRUB NG BAYAN

Mataas pa rin ang tiwala ng sambayanang Pilipino kay Pnoy batay sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia, sa kabila ng walang patumanggang batikos ng mga kritiko sa kanyang administrasyon na kadalasa’y walang basehan.

Nagtagumpay man ang kanyang mga kritiko na matapyasan ang dating 88% trust rating ay masasabing nasa pinamakataas pa rin ito kumpara sa marami nating opisyal ng pamahalaan, kaya maituturing na hindi nawawala sa pangulo ang tiwala ng mga karaniwang mamamayan.

Kung anu-ano kasi ang mga batikos sa pangulo nitong mga nagdaang buwan kabilang na ang mainit na tinatalakay sa Kongreso at Senado na Reproduction Health Bill na saan mo man silipin ay wala siyang kinalaman sapagkat ang panukala ay nasa lehislatibong sangay at wala pa sa executive branch.

Ang ating mga kaparian ay humantong pa sa sukdulan ng pagbabanta ng excommunication laban kay Pnoy na para bang sila lang ang tanging itinalaga ng Maykapal dito sa lupa upang magbawal sa tao na sambahin ang Banal na Pangalan ng Diyos.

Ganoon din ang nangyaring hostage drama na naging kalunoslunos ang kinahantungan na isa lang police matter at pilit iniuugnay sa pangulo, na tila baga inuudyukan si Pnoy na i-micro manage ang maliliit na detalye ng isang bagay.

Naglitawan rin ang mga guro, istudyante at mga tagapamahala ng ating mga state universities and colleges na nag-aakusa sa Malakanyang na binawasan daw ang kanilang mga budget, ganoon sa paliwanag ni Sen. Franklin Drilon ay nadagdagan pa nga ito, dahil ang katotohanan ay ang mga congressional insertion lang ang inalis dahil hindi naman talaga ito na-realized o nagamit sanhi sa kakapusan ng pondo ng nagdaang administrasyon.

Nandiyan din ang walang tigil na protesta ng mga militanteng grupo na pilit iniugnay si Pnoy sa kanilang kahirapan ganoong iilan pang-buwan ang pangulo sa panunungkulan. Salamat na lamang at mangilan-ngilan ang kanilang nahihimok katunayan ay mas marami pa ang placard kaysa sa nagpoprotesta.

Sa kabila ng lahat ng ito ay naging matalino ang taumbayan at nagtamo si Pnoy ng 79% trust rating, 3% ang hindi sumasang-ayon at 18% ang walang tuwirang opinion.(SANDY BELARMINO)

No comments: