Sunday, October 17, 2010

SALAMAT PO, CONG.

Naisalang na sa first reading ang mga panukalang batas na inihain ni Cong. Ivy Arago sa kongreso, na bukod sa 2011 National Budget ay pitong house bills na may local significance ang nakatawag pansin sa may akda.

Bakit nga ba hindi, ay sapagkat mangangahulugan ito ng karagdagang pondo para sa lokal na pamahalaan sanhi ng matitipid sa operasyon ng barangay high school sa kanikanilang mga lugar, na ibig ring sabihin na dagdag benipisyo sa mga guro, mga magulang at mga mag-aaral.

Kadalasan kasing munisipyo o lunsod ang gumagastos sa mga high school na ito, na sa pamamagitan ng mga probisyon ng panukala ni Cong. Ivy ay gobyerno nasyunal na ang magpo-pondo sa pamamahala dito partikular mula sa DepEd.

Mas tataas pa ang kalidad ng edukasyong makakamit ng mga mag-aaral dahil bunga ito ng pagtaas ng sweldo ng ating mga guro sa mga barangay high school. Sa isang banda pa ay panalo rin ang taumbayan sapagkat ang gastusin ng lokal na pamahalaan sa mga paaralangg ito ay kanilang magagamit pa sa mga indigency program at iba pang proyektong may pangkalahatang pakinabang.

Kasama sa mga tatawaging national high school kalakip ang kaukulang pondo mula sa national government ay ang San Vicente National High School, San Pablo City; San Benito National High School, Alaminos; San Pablo City National Science High School, San Pablo City; Santa Felomina National High School, San Pablo City; Tuy-Boanan National High School, Liliw; Mabacan National High School, Calauan; at Sto. Sngel National High School, San Pablo City.

Kapag tuluyan nang napagtibay ang mga panukalang batas na ito ay malaking kaluwagan ang mararanasan ng nasabing lunsod at munisipyo, sapagkat magiging pananagutan na ng pambansang pamahalaan ang budget ng mga naturang paaralan na hanggang sa ngayon ay lokal na pamahalaan pa ang nagpapasweldo sa mga guro at mga kawani.

Kaalinsabay sa first reading noong Agosto 11, 2010 ay naisumite na sa Committee on Basic Education and Culture ang mga nasabing panukala at maluwag na isinasa-alang-alang ng naturang komite, kaya inaasahang magiging positibo ang kanilang gagawing pagtugon.

Hindi pa man, ay marapat na nating pasalamatan si Rep. Arago sa makabuluhang pagsusulong ng mga ganitong panukala. Maraming salamat po, Cong. Ivy.(SANDY BELARMINO)

No comments: