Friday, July 30, 2010

MAHIGIT 1,500 PASYENTE, NAKINABANG SA MEDICAL-DENTAL MISSION NI REP IVY

San Pablo City - Iniulat ni Punong Barangay Napoleon Calatraba na hindi kukulangin sa 1,500 na pasyente ang napaglingkuran ng Medical and Dental Mission na itinaguyod ng Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita “Ivy” Arago sa Barangay Del Remedio sa lunsod na ito.

Ginanap noong Sabado, Hulyo 24 at sinimulan wala pang alas-otso ng umaga, ang gamutan ay isinagawa sa covered court ng Del Remedio Elementary School kung saan mapayapang nakapaghintay ang mga may idinaraing na karamdaman para sila ay masuri sa batayang first-come-first-serve.

Ayon kay Chairman Calatraba ang mga dalang gamut ni Rep. Arago ay magkasamang branded at generic sapagkat ito ay inihanda batay sa irereseta ng mga manggagamot.

Nagiging matagumpay aniya ang mga medical and dental mission ni Rep. Arago dahil bago ito ganapin ay nagsasagawa muna ng survey o pagtaya ang mga tauhan ng City Health Office (CHO) sa tulong ng mga Barangay Nutrition Scholar at Barangay Health Worker upang mataya ang uri ng mga karamdamang tinataglay ng mga residente.

Tulad ng nangyari sa Barangay del Reneduo, si Rep. Arago ay may dalang “petty cash” upang kung wala sa imbentaryo ang ireresetang gamut ay makakagawa agad ng “emergency purchase” sa mga malalaking botika sa kalunsuran.

Isa pang napapansin ng mga pinunong barangay mula sa kalapit na pamayanan na habang ang mga pasyente ay naghihintay ng pagkakataong sila ay masuri ng manggagamot, may mga health educator na nagkakaloob ng tamang impormasyon upang maiwasan ang mga sakit na sa pana-panahon ay lumalaganap sa pamayanan tulad ng dengue fever.

Mayroon din mga nagpapayo sa tamang pangangalaga ng ngipin upang huwag itong magkaroon ng sira o sumakit.

Ang mga ito ay hindi lang nakalilibang sa mga nagsisipaghintay kundi nakakapagkintal ng kapakipakinabang na kamalayan, ayon naman sa ilang barangay health workers na nakikipagtulungan sa pag-aasikaso sa mga dumadalo sa medical and dental mission. (Seven Lakes Press Corps/RET)

No comments: