Friday, June 25, 2010

PAKIKIISA

President Noynoy was not born yesterday at napagdaanan na niya ang lupit at lahat ng pagsubok sa buhay, na sa panahong ito ay ang kailangan niya ay malayang makapag-isip sa kung ano ang ikatitiwasay ng bayan.

Ang kailangan niya sa ngayon ay ang pakikiisa ng taumbayan upang maisulong ang kanyang mga pangaraping isasagawa para sa katuparan ng mga naipangako nang nakalipas na halalan, kailangan din niya ang katahimikan na ligtas sa mga nakabibingi at nakalilitong mga bulong at kapanatagan ng loob upang maisagawa ang sa kanyang pag-aaral ay tama para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.

Walang puwang sa panahong ito ang mga unsolicited advice ng mga nakapaligid dahil sa dulo ng lahat ng ito ay mga vested interest na sa halip makatulong ay lalo pang magpapalala sa dinaranas na suliranin ng bansa.

Dapat tandaan ni Pangulong Noy na nag-iisa siyang pangulong inihalal ng buong bansa. Pangulo siya maging ng kanyang mga nakatunggali, kaibigan at kakampi ng sambayanang Pilipino. Siya mismo ang gagawa ng daan na kanyang tatahakin at tanging siya lang ang may hawak ng susi para sa kanyang ikapagtatagumpay.

Sa loob ng siyam na taon ay bihag ng pighati ang bawat isang Pilipino, sakal sa leeg ng isang lider na tila ayaw ituntong ang mga paa sa lupa at isang lideratong bingi sa hinaing ng taumbayan.

Huwag na nating hayaan ang lahat na ito ay maulit muli. Ipamalas sana ng bawat isang Pilipino ang ganap na pakikiisa sa liderato ni Pangulong Noy sapagkat ang kanyang tagumpay ay tagumpay ng buong bayan samantalang ang kanyang kabiguan ay may dalamhating katumbas para sa taumbayan.(TRIBUNE POST)

No comments: