Thursday, February 25, 2010

PITONG KILOMETRONG LANSANGAN SA ALAMINOS, PAUUNLARIN NG DPWH-SAN PABLO

Bunga ng maayos na rekomendasyon ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago, na tugon sa nagkakaisang kahilingan nina Vice Mayor Ruben D. Alvarez, Councilor Jaime M. Banzuela, Punong Barangay Urbano Balog ng San Gregorio, Punong Barangay Eustaquio Abril ng San Roque, Punong Barangay Ramel Banzuela ng San Miguel, at Punong Barangay Ernesto Sahagun ng Santa Rosa, ang pitong (7) kilometrong seksyon ng lansangan sa Ibayiw na tumatahak sa nabanggit na mga barangay ay lalatagan ng asphalt overlay ng Laguna Sub-District Engineering Office na naka-base sa San Pablo City, na sang-yon kay District Engineer Federico L. Concepcion ay ipatutupad bago sumapit ang kalaghatian ng susunod na buwan ng Marso.

Ayon kay Konsehal Jimmy Banzuela na siyang pursigido sa pagpa-follow-up upang mabigyan ng DPWH ng prayoridad ang asphalting ng Ibayiw Road, ang lahat ng lansangang sa Poblacion ay nalagyan na ng asphalt overlay na nakatulong ng malaki upang mapasigla ang pagpasok ng mga turista sa Hidden Valley Resort sa Calauan, gayon din ang kahabaan ng Maharlika Highway na pinalawak pa ang roadway at nilagyan ng kongkretong wheel guard para sa kaligtasan at katiwasayan ng mga motoristang nagdaraan sa pambansang lansangan. Kaya nilinggo-linggo niya sa Congresswoman Ivy Arago para hilingin sa DPWH na ang Ibayiw Road ay masama sa mga proyektong ipatutupad bago ipatupad ang ban o pagpapatigil sa mga paggawaing bayan dahil sa nalalapit na araw ng halalan.

Kung isasaalang-alang ang ulat ng National Statistics Office, ang tuwirang makikinabang sa pagpapaunlad ng pitong kilometrong seksyon ng lansangan ay 10,282. Ang kabuuang populasyon ng Alaminos ay 40,387.

Nang makipagkita sina Konsehal Jimmy Banzuela at ABC President Oscar M. Masa kay Congresswoman Ivy Arago noong Linggo ng tanghali, nabanggit ng Pangulo ng Liga ng mga Barangay na ang bawa’t barangay sa Alaminos ay may malinaw na tatak na “Ivy Arago” at bibilang ng maraming taon bago ito malimutan ng mga mamamayan dito.

Bukod sa ang lahat ng lansangan dito ay napaunlad sa tulong ng intervention ni Ivy Arago, ang karagdagang tulong ng bawa’t barangay ay barangay hall, o covered court, o gusaling pampaaralan, o mga multicab. o palatuntunan sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay, at mga panglilingkod na panglipunan at pangkalusugan, pag-aalaala ng dalawang konsehal. (BENETA News)

No comments: