Saturday, January 30, 2010

CLOA NG IVYVILLE, IPINAGKALOOB

Victoria, Laguna - Sa ilalim ng programang Land for the landless ay ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) at Tanggapan ni Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago ang Certificate of Lot Award (CLOA) ng IVYVILLE sa Brgy. Masapang dito kahapon.

Nakasaad sa CLOA na ipinamahagi nina Rep. Arago at Architect Virginia Domingo, NHA Regional Manager, na ang lote ay babayaran ng benipisyaryong pamilya ng P275 kada buwan sa loob ng sampung taon kung saan makaraan nito ay lubusan na ang kanilang pag-aari sa nasabing lupa.

Ang IvyVille ay may sukat na humigit kumulang sa 4,000 metro kwadrado na binili ng pamahalaan sa pribadong may-ari upang ipamahagi sa 91 pamilya ng naturang barangay sa pamamagitan ng tanggapan ng kongresista.

Pangalawa na itong proyekto ni Arago sa bayang ito makaraang buksan ang Danbuville sa Brgy. San Francisco nang nakaraang taon sa tulong din ng nasabing programa.

Walang pagsidlan ng kasiyahan si Gng. Lucy Pinecate, pangulo ng homeowners association nang magpasalamat sa kongresista sapagkat ito aniya ang katuparan ng malaon na nilang pinapangarap sa buhay na magkaroon ng sariling lupang mapagtatayuan ng kanilang tahanan.

Samantala, sa panayam ng pahayagang ito kay Arago ay napag-alamang nilalakad niya sa kasalukuyan ang isa pang IvyVille sa bayan ng Nagcarlan upang maisaayos na rin ang pagkakaloob nito sa mga residente doon. Si ABC Sec. Boy Aquino ang katulong ng mambabatas sa proyekto.

Ang seremonya ay dinaluhan nina Rose Pineda SupeƱo ng DILG, Flor Bugia at pamunuan ng Masapang.

No comments: