Tuesday, November 10, 2009

PULPITO, GINAGAMIT NA NI BM AGAPAY SA PAMUMULITIKA

Patuloy pa pala si BM Karen Agapay sa pagkakalat ng mga “misinformation” ukol sa Mounts Banahaw-San Cristobal Landscape Act na ngayo’y naghihintay na lamang na malagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang maging ganap na batas.

Layunin ng naturang bill na lubusang mapangalagaan ang mga nasabing kabundukan upang maiwasan ang mga sakunang nagdudulot ng kalamidad tulad ng mga pagbaha, mga landslide na sanhi ng kawalang ingat sa kalikasan. Nilalayon din nito na mapIgilan ang walang habas na pagputol ng mga puno at pagsalaula sa Bundok Banahaw at San Cristobal nang sa gayo’y patuloy na dumaloy ang malinis na tubig sa kapatagan.

Subalit tila may personal na kadahilanan si Bokal Agapay sa pagtutol na maisabatas ang nasabing bill sa kabila na ito ang napapanahong tugon sa ating suliranin laban sa mga kalamidad na dumarating dito sa Timog Katagalugan. Lumilitaw tuloy na mas pinahahalagahan ni BM Agapay ang personal niyang ambisyon na maging congresswoman kapalit ng kapakanan ng taumbayan.

Isinasagawa ito ni Board Member Agapay sa pamamagitan ng iba’t-ibang uri ng manipulasyon, hayagan man o lihim na pagkilos gamit ang mga kinaaanibang samahan na madali niyang napapaniwala na dalisay ang kanyang hangarin sa bayan sa likod ng mala-hunyangong adhikain.

Nakapanlulumong nagtatagumpay si BM Agapy sa panghihikayat na tutulan ang malakalikasang batas na Mts. Banahaw-San Cristobal Bill, nahimok niya ang mga kapwa bokal sa Laguna at kamakailan ay nakumbinsi ang samahan ng bokal ng bansa na lumagda sa isang resolusyon na nakikiusap sa pangulo na huwag lagdaan ang naturang panukalang batas. Sa pag-iiba’t-ibang kulay ni Bokal Agapay ay naisangkot din niya ang Commission on Human Rights sangkalan ang mga illegal settlers ng Bundok Banahaw na nagtayo ng mga istraktura sa lugar na ipinagbabawal ng batas.

Nakaligtaan ng ating mga magigiting na bokal na isaalang-alang na tuklasin kung ano ang nasa likuran ng pagkilos ni BM Agapay nang pagtibayin ang resolusyong isinulong na dikta ng isang ambisyon. Hindi nila inalam na ang mga pamayanan sa Brgy. Kinabuhayan at Sta. Lucia ay mananatili at ang mga pinaaalis lamang ay ang mga istrakturang direktang nakapipinsala sa bio-diversity ng lugar sa Mt. Banahaw. Nakalulungkot malamang ang bayan mismo ng Dolores, Quezon ay hindi pumanig sa mga illegal settler na siya namang patuloy na ikinapapaso ni Senior Board Member Atty. Agapay.

At ang mas nakahihindik ay ang pagsangkalan ni BM Agapay sa pulpito ng simbahan. Muling naghabi ng kasinungalingan ang bokal sa walang kamatayang likha ng kanyang guni-guni na pagtatatayo daw ng golf course at paglalagay ng cable car sa Mt. Banahaw. Naging batayan ito ni Father Arnulfo Arupo ng San Francisco Parish sa kanyang “homily” o sermon ng kanyang Banal na Misa ilang araw na ang nakaraan.

Subalit mas matimbang ang katotohanan kaysa kasinungalingan. Nakita ng butihing pari ang kanyang pagkakamali at inaming “half-baked” ang impormasyong isinubo ni Agapay sa kanya, naging maginoo at nagpahayag ng public apology na pumapabor kay Incumbent 3rd Dist. of Laguna Congw. Maria Evita “Ivy” Arago. (SANDY BELARMINO)

No comments: