Kamakailan lamang ay namatay ang hipag ko. Sinabi ng kapatid ko na hindi niya maintindihan kung bakit nagkaganoon ang asawa niya. Sila ay talagang vegetarian, at ayon sa tinatawag na Gerson Diet, ang mga kumakain ng gulay lamang ay malayong magkasakit ng cancer. Nang sinabi ng mga doctor na malabo na ang pag-asa ng kanyang asawa, lahat ng madadasalan ay dinasalan nila. Ang iksaktong mga pananalita ng kapatid ko ay “they have to try whatever may work”.
Marami talaga sa ngayon ang nagtatanong kung ang Diyos ay nagpapagaling pa. may mga nagsasaging dahilan sa “mature: na ang simbahan, ang pagpapagaling ay inalis na ng Diyos sa mga benepisyo ng mga Kristiyano. Ginagamit dito ang sinulat ni Apostol Pablo sa Unang Corinto 13:8 na sinasabi doon, na ang “Pag-ibig ay hindi mabibigo kailanman” subalit ang ibang kaloob ay aalisin at mawawala kapag dumating na ang kasukdulan.
Papaano naman yung mga nakikita nating gumagaling? Ang paliwanag dito ay isang mabilis na peke lang yun o kung hindi man yun peke, yun ay sa demonyo nanggaling para malinlang ang tao.
Teka muna, may mga kaso na totoong gumaling ang isang maysakit, at pinatunayan ng mga doctor na ang tao ay maysakit, ito ay gumaling, at hindi nila malaman kung papaano ito gumaling. Peke ba yun? Ang mabilis na sagot ng mga ito ay galing yun sa demonyo.
Hindi ba nang minsan ay nagpunta ang mga alagad ni Juan Bautista kay Jesus at tinanong Siya kung Siya na talaga ang Kristo o may hihintayin pa silang iba. Ang sagot sa kanila ng Panginoon, ay sabihin niyo kay Juan ang inyong nakitang mga pagpapagaling at mga narinig nila tungkol sa mga taong gumaling at mga patay na nabuhay uli. Hindi sila sinagot ni Jesus ng tahasan, bagkus ay pinakitaan sila ng mga pagpapagaling (Mateo 11:2-6).
Magaling ang ginawa ng Panginoon, pero para sa mga Pariseo, ang mga gawaing ganito ay kay Beelzebub lamang manggagaling (Mateo 12:24-27). (Ang Beelzebub ay ibang pangalan para kay Satanas.) Isipin ninyo, pinagbintangan pa nga mga Pariseo ang Panginoong Jesus bilang kampon ni Satanas! Sa pagpapatuloy, idiniin ng Panginoong Jesus, na hindi magagawa ni Satanas ang gumawa ng mabuti, sapagka’t ang paggawa ng mabuti ay labag sa simulain ng demonyo. Alam din ni Jesus na alam ni Juan na ang Diyos lamang ang gumagawa ng pagpapagaling.
Kung may pagpapagaling pa hanggang sa ngayon, bakit hindi tayo nakapagpapagaling o gumagaling sa pamamagitan ng dasal lamang?
Ang mga apostol ay binigyan ng kaparehong kapangyarihan tulad ng kay Jesus, ngunit kung inyong maaalala pumaltos ang mga ito sa pagpapagaling. Pagkatapos pa lamang ng pagbabago ng anyo ng Panginoon, nang may lumapit sa kaniyang isang ama at ipinapagamot ang kanyang anak na inaalihan ng demonyo? Nang gumaling na ang bata, nagtanong sa kanya ang mga alagad kung bakit hindi nila magawa ang kaparehong bagay? Sinabi ng Panginoon, na masyadong mahina ang kanilang pananampalataya (Mateo 17:14-20).
Sabi nga ng kanta “Mahiwaga ang buhay ng tao, ang bukas ay di natin piho…” ang mahalaga ay hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Ang problema sa atin ay tulad ng problema ng mga apostol – hindi sapat ang kanilang paniniwala para magpalayas ng mga demonyo. Ang Diyos lamang ang nagpapagaling. Wala ng iba pa. ang pagpapagaling ay maaaring dumating sa maraming paraan, maaaring gumamit Siya ng isang doctor o gamut, ang mahalaga ay palagi nating isipin na ang ating kagalingan ay hindi magbubuhat sa doctor o gamut kundi ang lahat ng ito ay magbubuhat sa Diyos. Ang doctor nga ang nag-oopera, siya ang may hawak ng scalpel, pero alalahanin natin na ang Diyos ang gumigiya sa kamay ng doctor. Maaaring masabing ang isang gamut ay mabisa, pero tandaan mo na ang Diyos ang naglagay ng bisa sa gamut na yaon.
Huwag natin kalian man gawing “last resort” ang Diyos o “ang pagtawag sa kanya ay insurance lamang o isang pagbabakasakali lamang.” Ang isang taong may malakas na pananampalataya ay unang tatawag sa Diyos para sa patnubay. Ano man ang mangyari, alam niya na ito ay nangyayari para sa ikabubuti natin… “Ama gawin ang kalooban mo” sa buhay ko para sa kapurihan Mo magpakailan pa man. (Francis Jehu C. Sebastian)
Monday, August 10, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment