Friday, August 21, 2009

IKA-11 KONPERENSYA NG NCAA SOUTH, GAGANAPIN SA SAN PABLO

SAN PABLO CITY - Bilang tagapangulo ng 11th Season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) South, iniulat ni former PBA Commissioner Jose Emmanuel “Noli” M. Eala na ang mga opisyal na paglalaro ay gaganapin dito sa Lunsod ng San Pablo sa pagtangkilik ng San Pablo Colleges.

Sa kasalukuyan, ang mga competition sports na itinatampok sa komperensya ng mga kolehiyong nakatatag dito sa Timog ng Maynila ay basketball, volleyball, football, swimming, chess, badminton, taekwando, at pingpong o table tennis. Ang demonstration sports ay boxing, at beach volleyball. Ang kahalok na mga institusyon ay ang Don Bosco Technical College sa Mandaluyong City, Lyceum of the Philippines University sa Batangas City, First Asia Institute of Technology and Humanities sa Tanauan City, University of Perpetual Help System sa Biñan, Laguna, Colegio de San Juan de Letran sa Calamba City, San Beda College sa Alabang, Muntinlupa City, De La Salle Lipa City, Philippine Christian University-Dasmariñas, Cavite; at San Pablo Colleges sa lunsod na ito.

Sa press conference na ginanap sa President Hall ng San Pablo Colleges noong nakaraang Martes ng tanghali, na dinaluhan ng mga bumubuo ng Policy Board and Management Committee, ipinahayag ni Eala na ang operning ceremonies para sa pagsisimula ng basketball competition ay sa Sabado, Agosto 29, simula sa ganap na ika-5:00 ng hapon sa pinaunlad na SPC Gymnasium. Subali’t bago ang paglalaro, ay magkakaroon ng ceremonial tree planting sa kapaligiran ng Sampaloc Lake sa pakikipag-ugnayan kay Alkalde Vicente B. Amante, at mula sa kapaligiran ng City Hall ay magsasagawa ng pagparada ng mga manlalaro hanggang sa kampus ng San Pablo Colleges sa kahabaan ng Hermanos Belen Street.

Sa unang pagkakataon, ang host school, sa pakikipagtulungan ng San Pablo City Fashion Designers Association ay magtataguyod ng pagpili ng Miss NCAA South, at Mr. NCAA South, at ang mga kandidata at kandidato ay ang mga sumusunod: Colegio de San Juan de Letran: Lorraine Ramirez at Brian Jerico B. dela Rosa; De La Salle Lipa: Dawn Peral I. Dimayuga at Cyrus R. Vatha; Don Bosco Technical College: Jasmine May Sauza at Robbie R. Cruz; First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH): Mary Grace C. Pujanes at Jhun R. Pescadero; Lyceum of the Philippines University: Disayrey D. Sayat at John Raphael R. Panganiban; Philippine Christian University: Christine Joy Bender at Paul John Dabandan; Sazn Beda College: “Toni Mae Martinez at Nic Lawrence Manalo; San Pablo College: Cherrylyn G. Cus at Reymark A. Caponpon; at University of Perpetual Help: Rhea Rose Fatima L. Alvarez at Raymond T. Fortunado.

Ang basketball competition, kung saan ang Don Bosco ang depending champion, ay inaasahang matatapos sa o bago sumapit ang Oktubre 15

Ayon kay Dr. Maria Socorro M. Eala, Executive Vice President ng San Pablo Colleges, at kagawad ng Policy Board and ManCom Committee, layunin ng NCAA South na makapagpatatag ng isang pamantayan ng kahusayang sa paglalaro o athletic excellence, at mapagsakitang mapangalagaan at mapaunlad ang mga natamo ng tagumpay ng palatuntunan, samantalang pinagsisikapang mapaunlad ang paglikha ng mahuhusay na mag-aaral-na-manlalaro tungo sa kanilang ikapagiging mabubuting kagawad ng lipunan, sapagka’t ang paglalaro ay lumilikha ng pagiging mahusay sa pakikisama, mapagpaumanhin, at sariling pagsisikap na mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang katawan..

Kaugnay ng pagiging host ng SPC sa 11th Session, humihiling si Dr. Eala sa pamayanang lunsod, na makipagtulungan, upang mapatunayan sa mga dayuhang mag-aaral-manlalaro na ang pamayanan ay marunong tumanggap at maginoo sa mga dumadalaw na mga kaibigan, at marunong maglaro. (SLPC/rt)

No comments: