May mga nagtatanong kay Kagawad-Kawad kung bakit tila alinlangan sa pagtakbo, na mas lamang ang sa hindi, bilang kagawad ng Sangguniang Panlunsod (SP) gayong may tsansa daw naman itong magwagi kung saka-sakali?!
Bago ang pagtalakay ay nais kong linawin na kung sa tsansa ang pag-uusapan ay katulad rin tayo ng lahat na meron nito. Ang kailangan lamang ay mag-file ng certificate of candidacy para matulad tayo sa lahat sa pagkakaroon ng angkop na pagkakataon, dangan nga lamang ay ayaw na ayaw nating gawin.
Ang tanong ay bakit nga ba ayaw na ayaw ni Kagawad-Kawad? Sa platapormang magiging KATAWAN at TINIG ng mga San Pableño ang inyong lingkod, aba naman ay may panalo tayo diyan lalo pa nga’t wala nang boses ang taumbayan sa ngayon sa nasabing kapulungan. Ika nga’y malat na’y paos pa at wala nang tagapagtanggol ang bayan sa SP.
Sabihin lang ni Kagawad-Kawad na siyento porsientong a-attend at laging maagang papasok sa bawat sesyon ng SP kapag naluklok ay siguradong panalo na ito sapagkat wala pa namang ganoong plataporma ang ating mga incumbent councilors at vice-mayor. Kakaiba ito na 100% ding kakagatin ng mga San Pableño.
Laging tapat na ipaglalaban ang interes at karapatan ng taumbayan sa SP at medyo kakaibang pagsusulong at plataporma – panalo tayo riyan – sapagkat kung may mga ganito sa kasalukuyan sa sanggunian ay hindi naman palagi silang tapat dahilan ang marami sa kanila ay mga sarili lang ang inaatupag at puro pampulitikang katayuan ang iniintindi. Biruan nga ng marami ay akala raw ng mga taga-SP ay si Mayor Vic Amante ang kanilang ginigipit subalit ang tunay daw na naaapektuhan ay ang mga San Pableño.
Lalo tayong panalo kung ipagsisigawan sa apat na sulok ng lunsod ang katiyakang taon-taon ay magkakameron ng annual budget ang lunsod para matugunan ang pangangailangan ng taumbayan. Na hindi natin iipitin ang annual budget sa ngalan ng pulitika. Panalo rin tayo kung sasabihing taos sa puso ang gagawing paglilingkod bilang kagawad o konsehal ng lunsod.
Ang mga ito ang tunay na kadahilanan kung bakit ayaw kong maging kagawad sa SP, sa dahilang tiyak na mabibisto ng mga San Pableño ang kakulangan, katamaran at kaplastikan ng ilan nating mga kagalang-galang na konsehal sa ngayon. (SANDY BELARMINO)
Wednesday, June 10, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment