Friday, May 22, 2009

GEN. VERZOSA SUMABAK SA 10K TORCH RUN

Camp Vicente Lim - Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Director-General Jesus A, Verzosa ang sampung kilometrong torch run bilang simbolikong paglulunsad ng Integrated Transformation Program (ITP) sa Police Regional Office 4A dito noong nakataang Miyerkules.

Nagsimula ganap na ala singko ng madaling araw sa Monte Vista Resort sa Brgy. Pansol ay nakasabay ng heneral sa pagtakbo ang maraming opisyal buhat sa pambansang tanggapan ng PNP sa Camp Crame, liderato ng kapulisan sa PRO 4A at mga hepe ng kapulisan sa rehiyon ng Calabarzon.

Si Chief Superintendent Perfecto P. Palad ang tumanggap ng Sulo na pansamantalang ililigid sa mga provincial command ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon upang lalong mapasigla ang layunin ng ITP mula sa provincial police director, hepe at hanggang sa pinakamababang tauhan ng pulisya.

Ang ITP na simulang inilunsad noong 2005 bilang reporma sa pambansang pulisya ay tatagal hanggang 2015 na siyang target date upang lubusang matamo ng ahensya ang makabuluhang pagbabago.

Ibinatay ang programa sa resulta ng UNDP Study, PNP Reform Commission at Transformation Study, na ang adhikain ay ang makalikha ng kapulisang makabansa, makatao, maka-Diyos at makakalikasan.

Sa talumpati ni Verzosa ay kanyang hiniling sa taumbayan, mga samahang sibiko, mga nagmamahal sa kapayapaan at iba pang stakeholder na makipag-tulungan sa pulisya upang ang ahensya ay maging capable, effective at credible organization na maglilingkod sa sambayanan.

Ang torch run ay sinundan ng power point presentation kung saan idinitalye ang ibinunga ng ITP sa nakalipas na apat na taon. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)

No comments: