Wednesday, February 4, 2009

RELEVANCE NG BIBLIYA

Binigyang diin ang pagkakaroon ng Bibliya sa bawat tahanan sa ginawang pagdiriwang ng National Bible Week sa idinaos na United Pastors Council (UPC) Fellowship sa Rockpoint Hotel and Restaurant rito kamakailan na dinaluhan ng iba’t-ibang sekta ng relihiyon, mga pinunong bayan, NGO’s, samahang sibiko at mga lider barangay.

Ang UPC breakfast fellowship na pinangunahan ni Pastor Rico AlbaƱo ay kinatampukan ng nagkakaisang mensahe ng mga lingcod bayan at ilang personahe mula sa magkakaibang larangan ukol sa bibliya bilang kasagutan sa ating mga nararanasang pagsubok sa ngayon.

Nanawagan si Cong. Cynthia Villar na iwaksi ang alitan sa bawat tahanan at manangan sa mga mensahe ng Banal na Aklat sapagkat aniya’y anumang hirap ang nararanasan natin sa ngayon ay may kalutasan kung sa Bibliya tayo mananangan. Isinalaysay niya ang nalagpasang kahirapan ng kanyang asawang si Senador Manny Villar na gumaan dahil sa matibay na paniniwala sa Bibliya.

Ito aniya ang naging daan kung bakit mula sa pagiging maliit na negosyante ni Senador Villar, at dahil sa ginawang panuntunang salig sa mensahe ng Aklat, ay nakarating ito sa antas na kanyang kinalalagyan. Mula sa pagiging congressman ay naging speaker, senador at naging Senate President at naging instrumento pa ng paglilingkod.

Sumentro ang mensahe ni Gob. Teresita Lazaro sa pananalig sa Diyos sa bawat Gawain. Aniya “Let God work for us, Let God direct us and Let God lead us”. Hinimok ni Vice Gov. Ramil Hernandez ang pagkakaroon ng lahat ng sense of responsibility upang matamo ang moral recovery, samantalang nagbigay katiyakan si SBM Karen Agapay na buhay pa ang pag-asa, “ang kailangan lang ay kumilos at humanap ng paraan kung saan nasa bibliya ang kasagutan.”

Bibliya rin ang daan ayon kay City Aministrator Amben Amante upang tayo ay makapag-balik loob at ang pagtalima sa bawat kautusan ang susi para makapagsimula ng bagong umaga. At para kay Atty. Epifamio Gamo Jr. bilang inspirational speaker ay ang kanyang panawagang “Be ready for God’s words”.

Nailunsad sa nasabing pagtitipon ang Bible for Every House project ng National Bible Society sa pamamagitan ni Pastor Philip Flores. Ito lang ang paraan ayon sa kanya upang maisabuhay natin ang tunay na pagiging kristiyano at makahulagpos sa masamang kulapol sapagkat nananatili sa pang-araw-araw nating buhay ang “relevance” ng Bibliya. (NANI CORTEZ)

No comments: