Saturday, January 3, 2009

PALASIG, LABI NG PAGHAHAMOK

Minsan na siyang nailarawan bilang labi ng isang pakikibaka sa buhay, na makaraan ang labanan ay muling nakatayo upang sa isa pang pagkakataon ay harapin pa ang ibayong hamon ng makatotohanang pakikipagsapalaran.

Panahon ang nagtandis sa kanyang isipan kung saan matimong napanday ang matibay na pangangatwiran, na siyang naging susi upang makawala sa masalimuot na daigdig na dati niyang ginagalawan. Lumikha siya ng bagong mundo sa pamamagitan ng natuklasan niyang daan.

Siya si Romy Evangelista, ang aking “Tatay Palasig” na palagi kong bukambibig upang ipagmalaki, kaipala’y para ipagbanduhan sa lahat na ako’y bahagi na ng kanyang buhay, at ang mga natutunan ko buhat sa kanya ay pawang makabuluhan na palagian nang magiging gabay habang ako’y nabubuhay.

Magkaganoon man ay hindi naging kasing dali bago kami nagkapalagayang loob ni Tatay Palasig, palibahasa’y sa kwadradong mesa ng madyungan kami unang nagkita. Ang eksena’y kinakailangang gamitan ng talas ng isipan subali’t bukod diya’y may kakaiba siyang sandata – ang talim ng kanyang paningin na marahil ay binabasa ang mga gagawin kong hakbang sa pakikipagsugal. Ganito kami nagkakilala at dito rin nagsimula ang aming pagiging magka-tribo!

Dahil kung baga sa kawayan ay taga sa panahon at batid ni Tatay Palasig ang nararapat gawin sa tulad kong bago niyang kaibigan. Ginawa niya ang lahat ng wasto’t naaangkop. Sa pamamagitan niya ay “nabigyan ng tahanan ang aking panulat” kaya nga’t ang pitak na ito at ang mangilan-ngilang sumusubaybay dito ay nagkakaroon ng malayang talastasan sa ngayon.

Sa kung paano abot-langit ang pasasalamat ng kanyang mga anak na pawang propesyunal na’t naninirahan na sa ibayong dagat, kay Palasig ay sukdol pa ang utang na loob ng may-akda sa ginawa niyang pag-ampon sa akin. Hindi makasasapat ang mga mapamuring salita sa Balarilang Pilipino upang mailarawan ko ang taus-pusong pasasalamat.

Ano pa’t sa pagdaan ng panahon ay higit ko siyang nakikilala. Hindi siya naghihintay ng kapalit ni ng kabayaran sapagkat para sa kanya’y ang pagtulong ay isang tungkulin. Masaya na siya na siya’y mapasalamatan at maligaya kung ang tulong na naipaabot ay nagdulot ng kapakinabangan sa kanyang pinagbigyan.

Ito po ang makatao at maka-Diyos na si Palasig, isang ulirang ama at asawa, mabuting kaibigan, matapat na kasama at “Birthday Boy” last January 1. Belated Happy Birthday Tatay! (SANDY BELARMINO/Vice-President, Seven Lakes Press Corps)

No comments: