Monday, December 8, 2008

SA MATAGAL NA ISYU NG SEDERA: ILANG KONSEHALES SA SAN PABLO, MAY KINATATAKUTAN NGA BA?

Lunsod ng San Pablo – Ito ang tanong ng taumbayan matapos magkasunod na ma-postpone ang dalawang regular session at isang special session sa lunsod na ito dahil sa kakulangan ng korum.

Nauna na rito, kumalat ang bulung-bulungan sa paligid ng kapitolyo na may pasasabunging isyu umano si Konsehal Danilo “D.Y.” Yang na siyang pinaniniwalaang dahilan kung bakit umiwas ang mga diumano’y sangkot dito. Naging kapansin-pansin na marami ang umakyat sa ika-walong palapag ng Bagong Kapitolyo kung saan naroon ang Bulwagan ng Sangguniang Panlunsod upang makinig ng sesyon noong Nobyembre 25.

Hindi natuloy ang naturang sesyon dahil anim lang sa 12 konsehales ang dumalo, kabilang dito sina Ellen T. Reyes, Arsenio A. Escudero, Pamboy C. Lopez, Dante B. Amante, Leopoldo M. Colago at Danny R. Yang. Muling hindi natuloy ang sesyon ng sumunod na Martes, Disyembre 2, dahil kulang na naman ang bilang ng mga konsehales.

Matatandaan na noong nakaraang Enero 17 ng taong kasalukuyan, isang malayang pamamahayag (privileged speech) ang binigkas ni Kon. Danny Yang sa bulwagan ng Sanggunian na humihingi ng paliwanag sa mga kasamahang konsehal hinggil sa tinagurian niyang “baak-baak” ng ilang konsehal sa salaping “idinilig” diumano ng isang Erik Kaligayahan na siyang naging dahilan upang magsulputan ang mga “cedera” sa paligid ng kapitolyo at “sa mismong pusod ng ating kalunsuran”.

Hiniling din niya noon sa Sanggunian na magsagawa ng isang malalimang imbestigasyon dahilan sa ang nakataya aniya ay dignidad at integridad ng Sangguniang Panlunsod ng San Pablo. Ang kahilingang imbestigasyon ay hindi nagkaroon ng katuparan sa hindi malamang kadahilanan.

Ang pagkaantala ng mga sesyon ng magkakasunod ay isang manipestasyon na may mga sangkot na konsehal sa nasabing isyu, ayon sa mga tagamasid.

Kaugnay ng pangyayaring ito, nagpahayag ng pagkadismaya ang maraming mamamayan dahilan sa anila’y katamaran at kawalang-pakialam ng mga konsehales na dapat ay naglilingkod sa kanilang mga kababayan.

Habang sinusulat ito, hindi pa nakukuha ang panig ni Vice Mayor Martin Ambray- Ilagan na siyang Presiding Officer sa Sanggunian gayon ang mga konsehal na ang karamihan ay naka-leave. (MEL B. EVANGELISTA mula sa ulat ni Sandy Belarmino, 7LPC, LAGUNA COURIER Vol. XII No. 45, Dec. 8-14, 2008)

No comments: