Thursday, November 13, 2008

PROBLEMA SA CHEMICAL WASTE, LUTAS NA

San Pablo City - Umaabot na sa tinatayang 300 tonelada ng kemikal at toxic waste ang nahahakot buhat sa ipinasarang treatment plant sapul nang magbaba ng kautusan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil dito

Ang kautusan ng Pollution Adjudication Board (PAB) ng DENR ay nag-aatas sa mga kompanyang nagtambak ng mga naturang chemical at toxic waste sa compound ng ipinasarang Clean Earth Solution International (CESI) sa Barangay Balanga lunsod na ito na ito’y malipat sa ibang processing plant para sa kaukulang treatment.

Magugunitang umani ng batikos ang PAB buhat sa iba’t-ibang sektor bago ang naturang pagpapasya kung kaya’t umaksyon ng mabilisan si DENR Sec. Lito Atienza upang magkaroon ng agarang kalutasan.

Sabay na nag-akda ng resolusyon ang mga kagawad ng Sangguniang Panlunsod ng San Pablo at si 3rd Dist. Board Member Reynaldo Paras para naman sa Sangguniang Panlalawigan na humiling sa kalihim ng agarang aksyon sanhi ng pangambang baka ito makapinsala sa kalusugan ng mga mamamayan.

Ayon kay PENRO Isidro Mercado ay matatapos ang paghakot ng 900 toneladang kemikal waste sa susunod na buwan kung saan ay sisimulan na nila ang rehabilitasyon ng naturang lugar.(NANI CORTEZ)

No comments: